APAW sa mga sinehan ang mga nanonood ng My Ex and Whys. Naranasan naming pumila ng napakahaba sa Robinson’s Magnolia Cinema nang magbukas ito nitong Miyerkules. Mabuti na lang, may natiyempuhan pa kaming dalawang bakanteng upuan kahit muntik na kaming umabot sa tuktok ng sinehan.
Ito na ang pinakamalakas na pelikula nina Enrique Gil at Liza Soberano na umabot sa P31.5M ang kinita sa opening day.
Mantaking may mga sinehan na umabot ng hanggang alas dos ng madaling araw para ma-accomodate ang dumagsang moviegoers.
E, magkano pa ang kikitain nito sa mga susunod na araw? Tiyak na irerekomenda ito ng mga nakapanood na sa friends nila.
Magkano na nga ba ang target net income ng Star Cinema sa Cathy Garcia-Molina film? Ibang klase ka, Direk, simula noon hanggang ngayon ikaw pa rin ang box office director ng Star Cinema.
Masayang pelikula ang My Ex and Whys. Dahil siguro maraming characters na nagpapagulo at nagpapatawa sa bawat bitaw ng linya, lalo na sina Cai Cortez, Arlene Muhlach, Joey Marquez, Ara Mina at Ryan Bang. Napahanga nila kami sa pelikulang ito.
Kahit brokenhearted ang karakter ni Ara, ang gumaganap na nanay ni Liza, nakakaaliw pa rin siya dahil hindi siya nagpahuli kina Arlene at Cai.
No offense meant sa gumanap na mga kapatid ni Enrique na si Dominic Roque at ‘yung isa pang hindi namin knows ang name, puwede namang wala na sila sa movie.
Hmmm, ano nga bang papel ang puwedeng ibigay kay Dominic, bakit ang tagal-tagal na niya sa showbiz pero hindi pa rin umaarangkada ang career? Halos lahat ng klaseng papel ay nagampanan na niya, bakit parang hindi pa rin nagmamarka?
Si Joross Gamboa ang hindi puwedeng tanggalin sa istorya dahil napakagaling niya lalo na ‘pag puma-punchline na.
Feeling namin, nire-request talaga ni Direk Cathy si Joross na kasama sa halos lahat ng mga pelikula niya. Teka, bakit wala si Matet de Leon, di ba, sila ang magkakasama? O baka may ibang pelikulang sasamahan ang aktres.
In fairness, napahanga na kami ni Enrique sa My Ex and Whys dahil nag-improve na ang acting niya, huh. May lalim na kumpara sa mga nakaraan na halos wala namang ibang ginawa kundi magpa-cute lang.
Wala kaming maipipintas kay Liza, marunong talaga siyang umarte. Konting panahon na lang, tiyak na makakatanggap na rin siya ng acting award. Napakalaking bonus siyempre na pleasant siyang panoorin sa screen, dahil ang ganda talaga ng mukha anuman ang anggulo, at ‘pag nakatagilid kitang-kita ang pointed nose niya, ha-ha.
Alangan ‘yung gumaganap na gay best friend nina Karen de los Reyes at Liza, dahil halata na ang malaking agwat ng edad. O baka malabo lang ang salamin namin. Parang mas bagay kung napunta kay Matt Evans ang papel niya para magkaka-level sila.
At siyempre si Ryan Bang, as always mukha pa lang, nakakatawa na magsalita pa kaya?
Congrats sa Team MEAW. (REGGEE BONOAN)