NAKUMPLETO ng Perpetual Help ang matikas na pagbangon mula sa pagiging dehado nang gapiin ang Lyceum of the Philippine University, 25-17, 27-25, 25-16, nitong Martes para maitarak ang three-game sweep para makamit ang makaysaysayang ‘three-pet’ sa juniors division ng 92nd NCAA volleyball tournament sa Philsports Arena sa Pasig City.
Hataw sina Marvien Castillo at Paul Solamin sa naiskor na 14 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod para sandigan ang Juniors Altas sa ikatlong sunod na tagumpay at ikasiyam na kampeonato – ikalawang pinakamatikas sa kasaysayan ng liga sunod sa San Sebastian na may 15 korona.
“The boys were just determined to win it today (yesterday) and we dedicate this to the Perpetual Help and supporters,” sambit ni Perpetual Help coach Sandy Rieta.
Iginiit ni Rieta na nakatarak sa kasaysayan ang kampanya ng Perpetual dahil sa hirap ng kanilang pinagdaanan kung saan nagtapos silang No.3 sa elimination at kinailangang pabagsakin ang No.2 team Emilio Aguinaldo College sa knockout duel para sa karapatang makausad sa finals.
“It was the most difficult championship for us, that’s why it was special,” sambit ni Rieta. (Marivic Awitan)