Lumalakas ang pagsisikap na muling buhayin ang halos nakalimutan nang Inaul fabric-weaving industry hindi lamang para sa eco-tourism development campaign ng Maguindanao, kundi para rin sa hangarin na tulungan ang administrasyong Duterte na palakasin ang diplomatic ties, partikular sa United States, Germany at South Korea.
Maraming banyagang designer at negosyante ang naging interesado rito sa idinaos na 1st Inaul Festival sa Buluan, Maguindanao. Dumalo sa okasyon ang dignitaries mula sa US, Germany at iba pang lugar sa Europe.
Nagpahayag ng kanilang interes sa inaul sina Lee Jong Young at Son Jung Kil, chairman ng Bogwang Innovation and Textile manufacturing company sa South Korea, kay Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu sa bisperas ng pagtatapos ng festival noong Martes.
“We are impressed with the unique features of inaul textiles…We can absorb such fabrics in our production,” Sinabi ni Kil sa mamamahayag.
Sa susunod na buwan, pangungunahan ni Bai Ayesha M. Dilangalen, regional tourism secretary ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang delegasyon na magpapakita ng inaul sa isang pandaigdigang pagtitipon sa Berlin, Germany.
Ang inaul malong, ang pinakakaraniwang produkto ng local fabric, ay mabibili sa halagang P800 kapag hinango sa mga mismong gumagawa nito, at naipagbibili sa mga tindahan mula P1,800 hanggang P2,500. (Ali G. Macabalang)