Van Dean, Stephen Bray, Scott Sanders, Frank Filipetti, Jhett Tolentino, at Brenda Russell copy

NANALO ang Filipino producer na si Jhett Tolentino mula Iloilo ng kanyang pinakaunang Grammy award na Best Musical Theater para sa The Color Purple nitong Linggo.

Ibinahagi niya ang parangal sa kanyang kapwa producers na sina Stephen Bray, Van Dean, Frank Filipetti, Roy Furman, at Scott Sanders; mga kompositor na sina Brenda Russell at Alle Willis; at ang mga principal soloist na sina Cynthia Erivo, Danielle Brooks, at Jennifer Hudson.

“I’m so happy to be up here with these beautiful gifted people, we are blessed thank you so much,” saad ni Brenda sa entablado.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hinango ang The Color Purple sa 1982 novel na Alice Walker tungkol sa African-American na si Celie noong unang bahagi ng ika-20 siglo.

“This is to thank everyone who believed in our cause. Those voices are something really special. I can’t believe we won a Grammy,” sabi ni Cynthia.

Inihayag ni Jhett sa social media ang kanilang pagkakapanalo. Sa kanyang Facebook account, sinabi niyang, “We just won a Grammy.” Ni-retweet din niya ang mga mensahe ng pagbati sa kanya mula sa mga kaibigan niya at iba pang mga celebrity.

Hindi ito ang unang pagkakapanalo ni Jhett ng prestihiyosong award. Nanalo na siya ng Tony awards para sa A Gentleman’s Guide to Love & Murder (Best Musical); A Raisin in the Sun (Best Revival in a Play) at Vanya And Sonia And Masha And Spike (Best Play).

Noong 2004 nagtungo sa US si Jhett, isang accounting graduate, mula Iloilo para subukan ang kanyang suwerte at pumasok sa iba’t ibang trabaho, kabilang ang pagiging waiter, caregiver, grocery bagger, at personal assistant.

Hanggang magustuhan at mahalin niya ang teatro at nagsimulang magprodyus ng mga show kabilang ang Macbeth, Sylvia, A Delicate Balance, Side Show, The Velocity of Autumn, at This Is Our Youth.

Noong nakaraang taon, bumalik si Jhett sa Pilipinas para simulan ang Jhett Tolentino Productions, Inc. bilang paraan ng pagtulong niya sa mga Filipino talent.

“I want to promote the Filipino artists because I’ve seen enough (of them) and (I know) the talent is here. I can easily identify those who have proper training and those who don’t have. For those who don’t have, what they lack is control and technique, which could be enhanced,” ani Jhett sa panayam sa kanya ng Manila Bulletin. (KAREN VALEZA)