Inihayag kahapon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na simula bukas, Pebrero 13, ay babalik na sa P40 ang flagdown rate ng mga taxi sa bansa, maliban sa Cordillera Administrative Region na P35 ang singil.

Sinabi ni LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada na nilagdaan ng ahensiya nitong Biyernes ang order na nagbabalik sa P40 sa flagdown rate, mula sa P30, sa unang 500 metro ng biyahe.

Marso ng nakaraang taon nang ipag-utos ng LTFRB ang P10 rollback sa flagdown rate ng mga taxi sa bansa maliban sa Cordillera, na nagtapyas ng P5 sa base fare.

Ayon kay Lizada, ang taas-pasahe ay batay sa petisyon ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA), ng Association of Taxi Operators of Panay, Inc., at ng Association of United Taxi Operators sa Cordillera noong nakaraang taon, dahil sa pagtataas ng presyo ng gasolina.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, nilinaw ni Lizada na hindi dinagdagan ang singil sa mga susunod na metro ng biyahe, lalo at provisional lamang ang taas-pasahe.

Kasabay nito, binalaan ng LTFRB ang mga jeepney operator at driver sa ipinatutupad na taas-pasahe sa jeepney sa Metro Manila, Central Luzon, at Southern Tagalog.

Paglilinaw ng LTRFB, nitong Biyernes lamang nagkabisa ang P1 dagdag-pasahe sa jeep, kaya naman P8 na ngayon ang minimum na singil sa mga pasahero mula sa dating P7.

“The 20-percent discount remained in effect for students, senior citizens, and persons with disabilities (PWDs), who now have to pay P6.40 from the previous P5.60 as minimum fare,” tweet kahapon ng LTFRB.

(Vanne Elaine P. Terrazola at Rommel P. Tabbad)