GENERAL TRIAS CITY, Cavite - Isa pang manggagawa na nasugatan sa pagkakatupok ng pabrika ng House Technology Industries (HTI) Pte. Ltd. sa Cavite Export Processing Zone Authority (EPZA) sa General Trias City ang binawian ng buhay nitong Huwebes ng hapon.
Kinumpirma nina Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla at Cavite Police Provincial Office director Senior Supt. Arthur Velasco Bisnar, kapwa opisyal ng Crisis Management Committee (CMC), ang pagpanaw ni Richard Bombita Sargento, 33, bandang 2:25 ng hapon nitong Huwebes sa Divine Grace Medical Center sa siyudad.
Sa pagkamatay ni Sargento ay dalawa na ang kumpirmadong nasawi sa 126 na manggagawang nasugatan sa sunog. Unang binawian ng buhay sa gamutan nitong Pebrero 4 si Jerome de Guia Esmaet, 37 anyos.
Matatandaang pasado 6:00 ng gabi nitong Pebrero 1 nang magsimulang masunog ang pabrika, na naapula makalipas ang 46 na oras, noong Pebrero 3.
Tiniyak naman ng pamunuan ng HTI ang ayuda sa lahat ng nasugatan at maging sa mga nawalan ng trabaho dahil sa trahedya. (Anthony Giron)