CLEVELAND (AP) – May bagong player sa kampo ng Cavaliers, ngunit hindi ito dekalibre na tulad nang napapabalitang target ni LeBron James na makasama sa koponan.
Pinalagda ng Cavs sa 10-araw na kontrata nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) si dating No.2 pick Derrick Williams matapos itong i-waived ng Miami Heat.
Umaasa ang Cavs na mapupunan ng 6-8 forward at dating Pac-10 player of the year sa University of Arizona at No.2 overall ng Minnesota Timberwolves sa 2011 NBA draft, na matutulungan ang frontcourt na kinabibilangan nina Kevin Love, Tristan Thompson at Channing Frye.
Sa kabila ng matikas na career sa college, hindi masyadong naka-angat si Williams sa NBA kung saan naging isa siyang journeyman na nagpalilapat-lipat sa apat na koponan sa loob ng anim na season. Ang Cavs ang kanyang ikalimang NBA team.
Tangan ng 25-anyos swingman ang averaged 9.1 puntos at 2.9 rebound sa NBA career.
Tahasan ang kagustuhan ni James na kumuha ng karagdagang player bunsod na rin ng pagkaaksideline sa injury nina J.R. Smith, Iman Shumpert at center Chris Andersen.
Naging usap-usapan ang pagnanais ni LeBron na makuha ang serbisyo ni Carmelo Anthony, ngunit, bibitiwan lamang ito ng New York kung ang kapalit ay si Kevin Love.