Patay na ang usapin sa pagbabalik ng death penalty sa Senado pero puwede pa naman daw itong pag-usapan o pagdebatehan.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Franklin Drilon, maliwanag na hindi ito puwedeng ibalik dahil sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) na kasama ang Pilipinas sa mga lumagda.

Aniya, maibabalik lamang ito kung mababago ang saligang batas dahil bahagi na ng ating batas ang ICCPR.

“Namatay po ang death penalty dahilan sa maliwanag naman na hindi natin puwedeng maibalik ‘yung parusang pagpatay dahilan sa ating treaty commitment. Ang isang tratado po ay kasama sa ating batas at iyan po ay ating ni-ratify dito sa Senado, ni-ratify ng Pangulo ng ating bansa, at sinang-ayunan ng 2/3 ng Senado at iyan po ay naging part of the law of the land. Doon po ay bawal maibalik ang death penalty kaya hindi ko alam kung paano i-justify na ipapasa ang death penalty bill in the face of this clear international treaty obligation that we cannot impose the death penalty domestically,” paliwanag ni Drilon.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa pagbukas ng pagdinig ng senate committee on justice and human rights, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga nais magpatupad at ang kontra sa parusang kamatayan.

Sa umpisa pa lang ay nag-init na si Senator Leila de Lima nang banggitin ang pangalan niya ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na isa sa mga pinaghihinalaang drug trafficker.

“Why single out only Sen. Leila de Lima? I’m not a drug trafficker! Bakit hindi mo pangalanan ‘yung mga tunay na drug trafficker? Ako lang ang kinakasuhan n’yo,” ani De Lima.

Sa pagpatuloy ng pagdinig, iginiit ni De Lima na para maipatupad ang death penalty, sakaling manalo, kailangan munang baguhin ang saligang-batas dahil nakalagda ang bansa sa Second Optional Protocol ng ICCPR.

“Treaties which do not have provisions on withdrawal or denunciation cannot be denounced or be withdrawn from. That’s a binding and firm ratification, something that we cannot opt out and we have to live with that commitment. Klarado po iyan kaya natatawa po ako sa mga naging side comments po ng aking mga kasamahan dito pa lang po sa punto na iyan.

I think huwag na muna tayong magsayang ng oras to further deliberate on the propriety of the pending bills calling for the reimposition of death penalty,” ani De Lima.

Maging sina Committee Chairman Senator Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson ay nabigla rin pero iginiit ng dalawa na walang magagawa kundi sundin ang tratado.

Inihayag din ni Gordon na sa pagtaya nila ni Senate President Aquilino Pimentel III, sampu sa 24 na mga senador ang ayaw sa death penalty.

Hindi man nila pinangalanan pero malinaw naman na ang sampu ay sina Sens. Drilon, De Lima, Gordon, Francis “Kiko” Pangilinan, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Grace Poe na bahagi ng Senate majority bloc, at sina Senate Minority Leader Ralph Recto, Francis “Chiz” Escudero at Antonio Trillanes IV.

Sina Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senators Manny Pacquiao, Lacson at Sherwin Gatchalian ay pabor sa kamatayan para sa drug pushers. Sumusuporta rin sina Senators Sonny Angara, Joel Villanueva at Joseph Victor “JV” Ejercito.

Sinabi ni Gordon na pag-aaralan muna nila ang kopya, pero bukas din siya na pagdebatehan ito tulad ng mungkahi ni Drilon. (Leonel M. Abasola)