Magkakaloob ang gobyerno ng libreng sakay sa mga commuter na maaapektuhan ng malawakang tigil-pasada na isasagawa ng ilang jeepney driver at operator bukas, Pebrero 6.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), libre ang pasahe sa mga bus na pagmamay-ari ng gobyerno sa nasabing araw.

Magpapalabas din umano ang gobyerno ng mga 6x6 truck na bibiyahe habang naka-strike ang mga pampasaherong jeep.

Tiniyak din ng kagawaran na may mga pribadong bus na mamamasada bukas, ngunit hindi libre ang biyahe sa mga ito.

National

Lone bettor panalo ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Sinabi pa ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aabot sa 4,800 sundalo, pulis, at mga hindi unipormadong opisyal o tauhan ng DOTr, LTFRB, Philippine Coast Guard (PCG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Office of Transportation Security, ang itatalaga upang pangasiwaan ang trapiko bukas.

Nagkasa ng malawakang tigil-pasada ang mga samahan ng operators at driver ng mga jeepney bilang pagtutol sa plano ng gobyerno na tuluyan nang i-phase out ang mga lumang jeep sa mga lansangan at palitan ang mga ito ng mga electronic jeepney.

Hindi naman lahat ng transport group ay lalahok sa tigil-pasada at ilan na ang nagpasabi na papasada pa rin sila bukas. - Mary Ann Santiago