IBINUNYAG ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na nabawasan ang pagkilala sa rule of law sa ating bansa dahil sa mga unresolved killings ng mga drug suspect. Kung totoong ganito nga ang katayuan ng rule of law sa ating mamamayan, walang dapat sisihin kundi ang Korte Suprema mismo.

Noong ang mga garapalang pagpatay na may kaugnayan sa ilegal na droga ay inabot pa lang ng 72 mula Hunyo 30, 2016, kami ni Atty. Ramon A. Matignas Jr. ay nagsampa na ng Mandamus (G.R. No. 225192) sa Korte Suprema noong Hulyo 11, 2016. Hiniling namin sa Korte na ang Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (NAPOLCOM) ay atasan sa lalong madaling panahon na imbestigahan ang mga pulis na sangkot sa mga pagpatay at sampahan ng kaukulang demanda sa korte o tribunal na may hurisdiksiyon sa kaso.

Nakabatay ang aming petisyon sa mga naunang kasong napagpasiyahan na ng Korte. Una, ang kasong Isidro T. Hildawa vs. Minister of Defense, et. al. G.R. No. 67766, Agosto 14, 1985 at ang ikalawa, ang Ricardo C. Valmonte vs. Integrated National Police, et. al. G.R. No. 70881, Agosto 14, 1985.

Sa dalawang kasong ito, kinuwestiyon ang constitutionality ng “Secret Marshall” at “Crime Busters” na nilikha ni Pangulong Marcos mula sa hanay ng kapulisan. Mga armadong pulis ang may kapangyarihang sumakay sa mga pampublikong sasasakyan sa layuning masawata ang tumitinding krimen gaya ng panghoholdap. Ang problema, walang gabing nagdaraan na walang napapatay. Pagsapit ng umaga, nakahambalang na sa kalye ang mga bangkay ng mga umano ay mga hold upper.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Walang masama,” wika ng Korte, “sa paglikha at pagpapakalat ng special operation team upang labanan ang kriminalidad.” Ang masama aniya ay iyong patayin mo iyong sa akala mo ay kriminal dahil lumalabas na ang mga pulis ay hindi lang mga law enforcer kundi prosecutor, judge at executioner. Kaya kung sa pagmimintina umano ng kapayapaan at kaayusan, ang... mga alagad ng batas ay katatakutan, maiipit ang mamamayan sa pagitan ng mga criminal at lawless public official. Hindi raw ito rule of law at due process na ang isang tao bago parusahan ay bigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanyang sarili.

Kaya, kung ang isang tao ay pinatay, ang pumatay ay may obligasyong patunayan na pinatay niya ito bilang pagtatanggol sa sarili at pagganap ng tungkulin. Inatasan ng Korte ang PNP at NAPOLCOM na bawat pagpatay ay imbestigahan at ang mabatid na pumatay ay idemanda sa korte o tribunal at dito niya patunayan ang kanyang depensa. (Ric Valmonte)