INIHAYAG ng beauty pageant guru na si Jonas Gaffud na ang pagkatalo ni Miss Philippines Maxine Medina sa 65th Miss Universe beauty pageant ay dahil sa “Filipino pressure.”
“Ang sabi ni Maxine sa akin after, kung hindi lang sa Pilipinas (nangyari ang Miss Universe), mas kaya niya sigurong lumaban. Nahirapan talaga siya sa pressure,” ani Gaffud, sa video na ipinost ng ABS-CBN News.
“Iba ang mga pressure ng Pinoy, hindi ba? So kailangan perfect ka lagi. Nahirapan talaga si Maxine,” saad ni Gaffud.
Si Jonas, head ng Aces and Queens beauty camp, ang nag-train kina Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach, Miss International 2016 Kylie Versoza, at kay 2013 Miss World Megan Lynne Young na unang Pinay na nakakuha ng Miss World title.
Gayunman, sinabi ni Jonas na nanatili siyang proud kay Maxine na nakapasok sa Top 6 ng kompetisyon.
“I will always be proud of you @maxine_medina. Thank you for being a great host delegate,” saad ng mentor sa Instagram.
Pinasalamatan din ni Jonas si Pia Wurtzbach sa pag-comfort kay Medina sa pageant.
“Thank you so much @piawurtzbach for the gesture of comforting @maxine_medina,” ani Gaffud.
Nakapasok si Medina sa Top 6 semifinalists sa 65th Miss Universe contest, ngunit nabigong makapasok sa Top 3 pagkatapos ng question-and-answer round.
Nanawagan na sa publiko ang beauty queen mula Quezon City na mag-move on na sa Miss Universe 2016 contest.
Simula 2010, tuluy-tuloy na nakakapasok ang Pilipinas sa Top 10 ng prestihiyosong beauty pageant.
Nagkaroon na ng tatlong Miss Universe ang Pilipinas - Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973) at si Pia (2015).
Hangad din ni Jonas na maging matagumpay sa kanyang reign si Miss Universe Iris Mittenaere ng France.
“Wishing her success and happiness :-) merci!,” ani Jonas sa Instagram kalakip ang larawan nila ng French beauty queen na magkasama.
Nag-post din si Iris, 24, sa Instagram ang kanyang unang selfie bilang Miss Universe.
“My first selfie as Miss Universe! So proud of this gift that you gave me ... thank you for your presence and your love ❤️ I love you... Iris,” aniya sa caption. (ROBERT R. REQUINTINA)