Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang bus driver na nahuli sa akto, sa pamamagitan ng live Facebook clip, na nag-counterflow sa Quezon City nitong Lunes.

Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada na nag-isyu na sila ng show cause order laban sa hindi pa pinapangalanang driver ng Rainbox Express bus unit (TXF-713) na nag-counterflow sa Regalado Avenue sa Fairview.

Aniya, isasagawa ang hearing sa Pebrero 15 kaugnay ng paglabag ng driver sa LTFRB Memorandum Circular 2011-004.

Isang Kirstoff Guinto ang nag-Facebook live nitong Lunes at mapapanood na nasa harap na ng kanyang sasakyan ang nasabing bus.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Bago ko navideo ‘yan super bilis ng pasok niya sa lane ko,” pahayag ni Guinto sa kanyang post.

Maririnig sa video na paulit-ulit sinasabi ni Guinto na ang driver, na lumabag sa batas-trapiko, ang may “guts” na magalit sa kanya dahil sa hindi pag-andar ng kanyang sasakyan. Hindi umano niya pinaandar ang kanyang sasakyan sa pagnanais na maparusahan ang driver ng bus.

Ito ay nagdulot ng mabagal na daloy ng trapiko sa lugar. Maging ang isang galit na motorista ay bumaba ng kanyang sasakyan at sinisi ang bus driver sa pag-counterflow.

Nang dumating ang isang traffic enforcer, pinatitiketan ni Guinto at ng isa pang motorista ang driver ng bus at pinakukumpiska rin ang lisensya.

Nagkaroon pa ng komprontasyon nang tusukin ng bus driver ang sasakyan ni Guinto. Ikinainis din ni Guinto nang bigyan siya ng “dirty finger” ng mga pasahero ng bus habang ito’y papaalis.

“Nakakalungkot lang para sa mga pasahero ako pa may kasalanan...Rules are rules, gusto natin magbago pero magtulungan din tayo lahat,” ayon kay Guinto. (Vanne Elaine P. Terrazola)