Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na malubhang nasugatan ang leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Isnilon Hapilon sa pagpapatuloy ng opensiba ng militar laban sa bandidong grupo, sa Maute terror group, at iba pang teroristang grupo sa Lanao del Sur.

Sinabi ni Marine Col. Edgard Arevalo, hepe ng Public Affairs Office (PAO) ng AFP, na tumanggap sila ng magkakaparehong report na nagsasabing grabeng nasugatan si Hapilon sa air strike na ikinasa ng militar sa bayan ng Butig.

“This (ang mga ulat ng pagkakasugat ni Hapilon) is also confirmed by various sources in the ground,” sabi ni Arevalo.

Aniya, pinaigting pa ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ang operasyon sa Butig upang mapigilan ang pagtatangka ng mga grupong terorista na magtayo ng caliphate sa nasabing munisipalidad, sa tulong na rin ng mga residente.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“It is a testament to the Muslim community’s abhorrence to extremism and terrorism poised by the self-proclaimed ‘Emir’ and ASG Leader Isnilon Hamilon, his select group, the Brothers Abdullah, Omar, and Otto Maute, and other local and foreign terror groups,” sabi ni Arevalo.

Dagdag pa ni Arevalo, determinado si AFP Chief of Staff General Eduardo Año na magapi ang lahat ng teroristang grupo sa Western Mindanao sa pagtatapos ng Hunyo 2017.

Una nang inihayag ng militar na maraming miyembro ng ASG at iba pang terror group ang kung hindi napatay ay nasugatan sa mga isinagawang air strikes sa Butig nitong Miyerkules ng gabi.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakikipag-ugnayan nga si Hapilon sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) sa Middle East, at ang huli mismo ang nag-utos sa pinagsanib-sanib na grupong terorista sa Pilipinas na lumipat sa Butig at doon magtayo ng caliphate.

Samantala, Biyernes ng madaling araw naman nang maaresto sa Barangay Cawit sa Zamboanga City ang sub-leader ng ASG na nahaharap sa 87 bilang ng kidnapping, illegal detention at murder.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-9 Director Chief Supt. Billy Beltran ang nadakip na si Faizal Jaafar, alyas “Jaafar Mundi”, “Abu Jaafar”, “Aren”, “Ben”, at “Abu Raba”. (FRANCIS T. WAKEFIELD at NONOY E. LACSON)