CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Nasa 30 katao ang nasugatan makaraang magkasalpukan ang dalawang bus sa national highway ng Barangay Barangobong sa Santa Lucia, Ilocos Sur, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinumpirma kahapon ni Chief Insp. William Nerona, tagapagsalita ng Ilocos Sur Police Provincial Office, na nangyari ang aksidente bandang 11:00 ng gabi nitong Miyerkules.

Napaulat na nawalan ng kontrol, ang pahilagang Partas Bus na minamaneho ni Reydante Sarinas, 34, taga-Bgy. Bessang, Cabugao, Ilocos Sur, hanggang sa tuluyan nitong masalpok ang patimog namang Maria De Leon Bus na minamaniobra ni Samuel Pagtama, 56, taga-Bgy. Magnuang, Batac City, Ilocos Norte.

Dahil sa lakas ng banggaan, nasugatan ang driver ng Partas Bus at ang sampung pasahero nito, habang sugatan din ang driver ng Maria De Leon Bus at 18 pasahero nito. (Freddie G. Lazaro)

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!