ROME, Italy – Handa ang Philippine Government (GRP) na hilingin sa United States na alisin ang pangalan ni National Democratic Front (NDF) Chief Political Consultant Jose Maria ”Joma” Sison sa terrorist watch list upang magawang makipagkita ng 77-anyos na Founding Chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) kay Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Ito ang ibinunyag ni GRP peace panel chairman Silvestre Bello III dito noong Martes, kasabay ng pangako na aasikasuhin ang pag-alis kay Sison mula sa US terror watch list na isasama sa joint statement na lalagdaan ng gobyerno at ng NDF sa pagtatapos ng ikatlong serye ng mga usapang pangkapayapaan nitong Miyerkules sa Holiday Inn-Parco de Medici dito.
Inaasahang malalagdaan ang ground rules sa pagpapatupad sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER), na tinaguriang “heart and soul” ng peace negotiations.
“It is important for Joma to be able to go to the Philippines in response to the President’s statement that he wants to meet Joma in any neutral country,” ani Bello.
Sinamahan ni Sison ang NDF peace panel para sa mga pag-uusap sa Rome. Itinuturing siyang “person supporting terrorism” ng US simula noong Agosto 2002, kasama ang CPP na binansagang “foreign terrorist organization.”
Nilinaw ni Bello na ang hihilingin at irerekomenda lamang ng GRP na alisin sa watch list ay si Sison, at hindi kasama ang CPP.
Ayon kay Bello, umaasa ang magkabilang panig na magaganap ang pagpupulong nina Duterte at Sison sa Pilipinas.
“(If Sison is delisted), he can join us anywhere now. If that happens, siguro ang venue sa Philippines na,” ani Bello. (Rocky Nazareno)