Nagbabala kahapon si Senate President Pro Tempore Franklin Drilon na nahaharap sa bansa sa isang napakaseryosong problema kung hindi kaagad na mareresolba ng Philippine National Police (PNP) ang patuloy na dumadaming pagpatay na may kinalaman sa drug war ng gobyerno, habang ginigiyagis ang pulisya ng eskandalo sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa karumal-dumal na kidnap-slay.

Sinabi ni Drilon na ang pagpatay sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo sa loob ng Camp Crame ay walang dudang “one of the most horrific, alarming, and shameful episodes in PNP history.”

“The country is heading towards a serious law enforcement problem when these killings remain unabated and unresolved and culture of impunity among law enforcers perpetuates,” sabi ni Drilon. “If such crime could be committed inside the PNP’s very headquarters then how can anyone feel safe anywhere?”

Dating justice secretary, iginiit ni Drilon na ang tanging paraan upang maibalik ang tiwala at respeto ng publiko sa pulisya ay ang resolbahin kaagad ang malawakang pagpatay.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Bukod sa kidnap-slay, sinabi ni Drilon na ang pagpatay ng umano’y mga pulis kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, ang ‘tokhang for ransom’, at ang ‘hulidap’ “highlighted the weakness of the PNP to police its own ranks which undermines the administration’s campaign against drugs.”

“There seems to be a leadership crisis in the PNP and a breakdown of command at some levels, if not at all levels,” ani Drilon.

HATAWIN NG BASEBALL BAT ‘YAN!

Sinabi naman kahapon ni Dela Rosa na kung siya ang masusunod ay pahihintulutan niya ang mga hepe na hatawin ng baseball bat ang mga pasaway na pulis bilang pagdidisiplina sa mumunting pagkakamali ng mga ito.

“If I have my way, I would allow you to have a baseball bat for the on-the spot disciplinary measure. Hit those who are lousy and not following even the simple rule that the public expect of a police officer,” sabi ni Dela Rosa.

Sa kanyang talumpati sa promotion ng anim na bagong one-star general sa Camp Crame kahapon, binanggit ni Dela Rosa kung paanong nabalewala ang mumunting kawalan ng disiplina ng mga pulis, gaya ng hindi maayos na pagsusuot ng uniporme, paninigarilyo sa publiko at hindi pagsaludo sa nakatataas.

Aniya, ang hindi pagtutuwid sa maliliit na pagpapasaway na ito ay nagresulta sa pagkakaroon ng mga scalawag, gaya ng nangyari sa kaso ni Jee na kinasasangkutan ng ilang pulis, kabilang sina Supt. Raphael Dumlao at SPO3 Ricky Sta. Isabel.

LIFESTYLE PROBE

Kaugnay nito, plano naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng lifestyle investigation sa mga pulis na sangkot sa kaso ni Jee, matapos mapaulat na ilan sa mga ito ay multi-milyonaryo.

Tinanggihan naman ni Senator Panfilo Lacson ang kahilingan ng asawa ni Sta. Isabel, si Jinky, na dumalo sa pagdinig ng Senado sa “tokhang for ransom” sa Huwebes, dahil pawang “hearsay” lang naman umano ang nakalap na impormasyon ng ginang.