Napatay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang sugatan ang maraming iba pa makaraang makipagbakbakan sa mga sundalo sa Makilala, North Cotabato, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ni Senior Insp. Elias Colonia, hepe ng Makilala Municipal Police, ang nasawi na si Rojit Estampa Ranara, 33, may asawa, tauhan ng Front 51 ng NPA, at residente ng Barangay Zone 1, Sta. Cruz, Davao del Sur.

Inilagak ang bangkay sa Torreda Funeral Homes at kinilala ito ng kapatid ng rebelde na si Lolita Estampa Ranara.

Ayon kay Lolita, nagtungo sa Cotabato ang kanyang kapatid upang magtrabaho sa isang construction site at hindi niya alam na kasapi ito ng NPA.

Probinsya

Isa sa mga pinakalumang simbahan sa Itbayat, Batanes, sinira ng ‘Leon’

SINO’NG NAGSASABI NG TOTOO?

Itinanggi naman ng 10th Infantry Division ang sinasabi ng NPA na walong sundalo ang nasawi sa sagupaan sa Makilala, at hinamon ang kilusan na pangalanan ang mga nasawi.

“The 10ID invites the public to scrutinize the records of the Makilala MPS, interview the people around the encounter site and check on all hospitals and funeral parlors in Regions 11 and 12 to determine who is telling the truth,” sabi ni 10th ID commander Major General Rafael Valencia. “It is very sad that while the peace talks is on-going, there are armed groups who continue to use force and violence to terrorize and extort from the people.”

Tinugis ng 39th Infantry Batallion ang isang grupo, na kalaunan ay natukoy na mga kasapi ng Guerilla Front 51 ng NPA nitong Enero 21 sa Bgy. Biangan, Makilala, matapos umanong takutin at kikilan ang Santos Land Development Corporation, gamit ang extortion letters na pirmado ni Ricardo Fermiza at natagpuan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa lugar ng engkuwentro.

Ayon sa 10th ID, taong 2014 pa sinimulan umanong mangikil ni Fermiza sa mga negosyante at sibilyan sa lugar.

Nasamsam din ang tatlong matataas na kalibre ng baril, tatlong improvised explosive device, 15 backpack ng mga personal na gamit, dalawang handheld radio, medical supplies, at mga dokumento.

PAGLABAG SA CEASEFIRE

Sa isang pahayag, kinondena naman ng NPA ang pag-atake, lalo na at nagpapatuloy ngayon ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Rome, Italy.

Iginiit ng Regional Operations Command ng NPA-Southern Mindanao na dumating ang mga tropa 39th Infantry Battalion sa Sitio Concepcion sa Bgy. Kisante, Makilala at naglunsad ng opensiba sa Sitio Lokatong sa Bgy. Biangan, kung saan nagkakampo ang NPA.

“The war dogs of the 39th IB and the entire AFP cannot wash its hands clean of this flagrant violation of their own ceasefire: Sitio Lokatong in Bgy. Biangan is a remote area that their presence can only mean an offensive operation against the NPA,” giit ni NPA Southern Mindano Spokesperson Rigoberto Sanchez.

Dagdag pa ni Sanchez, ang 39th IB ng Philippine Army “did not abide by the GRP’s unilateral indefinite ceasefire.”

“The Duterte government must know by now that it is the bullish insincerity of its armed forces to continue its counter-insurgency campaign that is the biggest impediment in the quest for just and lasting peace,” sabi pa ni Sanchez. (FER TABOY at YAS OCAMPO)