POSITIBO ang Department of Tourism sa patuloy na pagsisikap ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na itaguyod ang rehiyon bilang pinag-isang travel destination.
Hiniling ni Department of Tourism Secretary Wanda Teo, sa 20th ASEAN Tourism Forum sa Singapore noong Enero 19-21, ang tulong ng mga kapareho niyang opisyal ng turismo sa ASEAN sa pagsusulong ng iba’t ibang kaganapan sa mga kababayan nilang manlalakbay.
“Pursuant to the ASEAN Tourism Strategic Plan (ATSP), we would like to emphasize the importance of ASEAN working assiduously to ensure that a sustainable and inclusive growth path for tourism will be achieved,” sabi ni Teo.
“We don’t have to look far to find what we are looking for,” dagdag niya sa pagbabanggit ng datos na nagpapakita sa inaasahang 115 milyong dayuhang turista na darating sa mga bansang bahagi ng ASEAN ngayong taon.
Ipinakita rin ni Teo ang video na nagtatampok sa mga pangunahing proyekto ng Department of Tourism at inimbitahan ang kanyang mga kapwa minister sa mahahalagang kaganapan na may kaugnayan sa turismo na idaraos sa Pilipinas ngayong taon.
Kabilang dito ang 65th Miss Universe sa Enero 30, ang 3rd Madrid Fusion Manila sa Abril 6-8, at ang 6th UNWTO International Conference on Tourism Statistics.
Punong-abala rin ang Pilipinas sa selebrasyon ng ASEAN@50.
Ipinakikita sa pinakabagong datos ng visitor arrivals para sa Nobyembre 2016 na sa pinagsamang mga bisita sa siyam na bansa, 7.9 na porsiyento rito ang naglibot sa Pilipinas.
Base sa parehong datos, sa mga bansang ASEAN, ang Singapore ang nakapagtala ng pinakamaraming arrivals para sa Pilipinas sa 161,194 na turista, kasunod ang Malaysia (128,077), Thailand (44,372), Indonesia (40,651), Vietnam (31,555), Brunei (7,378), Myanmar (6,832), Cambodia (3,278), at Laos (1,112).
Binubuo ang ASEAN ng 10 miyembrong bansa, ang Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Vietnam, at Pilipinas. (PNA)