SA unang pagkakataon sa kasaysayan, handa na ang Pilipinas na magluwas ng mais sa mga kalapit na bansa sa Asia.
Sa isang pahayag, inilahad ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na ang dilaw at puting mais na aanihin ngayong 2017 ay maaaring umabot sa 8.1 milyong metriko-tonelada, ang unang beses na makakamit na bansa ang kasapatan sa mais ng 120 porsiyento.
Inaasahan ng kalihim na maaaprubahan ang pagkakaroon ng Solar-Powered Irrigation System na magpapalakas sa produksiyon ng mais ngayong taon.
Maaaring magresulta ang pagluluwas ng mais sa mga bansang tulad ng Malaysia, Taiwan at South Korea ng mas magandang presyo para sa dilaw na mais, at inaasahan na maeengganyo nito ang mga magsasaka na pag-ibayuhin pa ang pagtatanim nito.
Ibinatay sa ulat ni National Corn Program coordinator, Assistant Secretary Federico Laci, binigyang-diin ni Piñol na makakamit ang inaasahang aanihin sa kabila ng sunud-sunod na kalamidad na madalas nananalasa sa bansa, kabilang ang pitong buwan na El Niño.
Para sa 2016, nagkaroon ang bansa ng 7.5 milyong metriko-tonelada para sa dilaw at puting mais sa kabila ng El Niño, habang umabot ang produksiyon ng kamoteng kahoy sa 536,000 metriko-tonelada.
Aniya, tinatayang aabot sa 570,000 metriko-tonelada ang produksiyon ng kamoteng kahoy, na nakatulong sa pagpapatatag ng mais at animal feeds supply sa Pilipinas.
Kaya naman, kakausapin ni Secretary Piñol si Pangulong Rodrigo Duterte sa Cabinet Meeting sa Lunes para atasan ang National Food Authority na ayusin ang patakaran ng ahensiya sa pagbabawal na magluwas ng mais hanggang madoble ng bansa ang produksiyon nito ng mais sa 200 porsiyento.
Tinawag ni Laciste ang patakaran ng National Food Authority sa pagluluwas ng mais at bigas na “unfair” at “unjust” para sa mga magsasakang Pilipino, dahil maluwag ang pag-angkat ng mais sa bansa. (PNA)