BRISBANE, Australia – Tumataginting na US$200 milyon pondo ang maibibigay ni Pinoy world champion Manny Pacquio sa lungsod ng Queensland kung magaganap ang laban niya kay Australian undefeated champion Jeff Horn sa Abril 23.

Sa nabunyag na ‘business proposal’ ng Duco Event, promoter ni Horn, kay Premier Annastacia Palaszuk, kikita ang lungsod ng Queensland kung papayagan ng state government na maganap ang pagdepensa ni Pacquiao sa Suncorp Stadium.

Ayon sa Duco Events, ang Pacquiao-Horn title fight ang magsisilbing mitsa para maging sentro ng major international sporting venue ang Queensland. “It’s big-time boxing revolution in Australia,” anila.

Iginiit ng Duco Events na kikita ang lungsod ng US$100 milyon sa aspeto ng ekonomiya dahil siguradong dudumugin ng turista ang Queensland para makapanood ng ‘live’ sa laban. Makalilibre rin ang lungsod ng US $100 milyon na libreng advertising para sa live telecast ng laban na mapapanood ng bilyong manonood mula sa 159 bansa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Isasagawa rin ng Duco Events ang Global Tens rugby sa Brisbane sa susunod na buwan, gaundin ang Auckland Nines rugby league.

Ang naturang business plan ay ibinase ng promoter sa tagumpay ng Etihad Stadium sa Melbourne kung saan 56,214 katao ang nanood sa UFC event noong 2015 tampok ang laban nina Holly Holm at dating undefeated champion na si Ronda Rousey.

Ayon sa Etihad, nakakuha ng US$102 milyon ang lungsod ng Victoria.

Ayon kay Dean Lonergan, pangulo ng Duco Events, plano nilang magpalabas ng walong minutong editorial promotion para ipakilala ang mga tourist destination sa Queensland sa live telecast ng laban na kung pagbabatayan ang advertising rate sa American Super Bowl ay aabot ng mahigit sa US$100 milyon.

Sa nakalipas na mga laban ni Pacquiao sa America at China, umabot sa 4000 ang turistang Pinoy na nanood para suportahan si Pacman na tanyag na pilantropo at pulitiko sa Pilipinas.

“Jeff Horn against Manny Pacquiao at Suncorp Stadium can showcase Brisbane to the world,’’ pahayag ni Lonergan.

“It is a truly global sporting contest pitting one of the greatest boxers in history against a young clean-cut Queensland kid who is a qualified schoolteacher and a great role model for all young Australians,” aniya