CEBU CITY – Nagbunsod ng pagguho ng lupa at pagbabaha ang matinding ulan na dulot ng low pressure area sa Cebu kahapon, kaya naman kaagad na nagsagawa ng paglilikas at clearing operations ang awtoridad.

Sinuspinde rin ni Cebu Gov. Hilario Davide III ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan bandang 8:00 ng umaga kahapon, sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin. Ito na ang ikalawang beses sa loob ng isang linggo na nasuspinde ang mga klase sa Cebu dahil sa masamang panahon.

Sa siyudad ng Naga, nasawi ang isang apat na taong gulang na babae makaraang wasakin ng rumaragasang baha ang kanilang bahay sa Barangay Naalad kahapon ng umaga. Natutulog si Aileen Tapic sa loob ng kanilang bahay, kasama ang kanyang ina, nang gumuho ang riprap hanggang masapol ng rumaragasang tubig ang kanilang bahay at tinangay ng baha ang mag-ina.

Na-rescue pa ang ginang, ngunit natagpuang patay ang bata may dalawang kilometro ang layo sa kanyang bahay.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa Cebu City, nakapag-ulat ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMC) ng pagguho ng lupa sa mga kabundukang barangay sa Sitio Kan-Irag, Bgy. Sirao; Sitio Lupa sa Bgy. Sapangdaku; Sitio Tabok sa Bgy. Pit-os; Sitio Grahe sa Bgy. Busay; sa Bgy. Binaliw; at sa Bgy. Agsungot.

Sinabi ni Nagiel Bañacia, city public information officer at hepe ng CDRRMC, na nagpakalat na ng mga tauhan at heavy equipment ang ahensiya upang linisin ang mga apektadong lugar, partikular na ang mga kalsada.

Sa Mandaue City, ipinag-utos ni Mayor Luigi Quisumbing ang paglilikas sa mga residente malapit sa mga sapa at ilog.

Sinabi ni Quisimbing na ipinag-utos din niya ang pre-emptive evacuation sa mga pamilya sa mga barangay ng Paknaan, Alang-Alang at Canduman, na malapit sa Butuanon River. (MARS W. MOSQUEDA, JR.)