DAVAO CITY – Inihayag ni Tourism Secretary Wanda Teo na darating si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa Enero 19 para dumalo sa fashion show na tampok ang “Mindanao Fabrics at Tapestry” sa SMX Convention Center dito.

Sinabi rin ni Teo na 20 hanggang 30 kandidata ang magtutungo sa lungsod para sa fashion show, bagamat isinasapinal pa ng organizing committee ang eksaktong bilang.

Binanggit din ng tourism official na ipinaglaban niya ang pagtungo ng mas marami pang kandidata sa Davao ngunit iginiit ng organizing team ang mas maliit na bilang para sa seguridad.

“They (organizing team) originally said 10 candidates but I opposed, so they brought it to 17. But I said I will not allow that only 17 will be brought to Davao, it has to be between 20 and 30,” aniya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Magtutungo ang natitirang mga kandidata sa Batangas sa kaparehong araw.

Sinabi ni Teo na ang mga Dabawenyo ang magdedesisyon kung sino ang pipiliing kandidata para dalhin sa Davao sa fashion show, ngunit idinagdag niya na wala pang tagubilin ang organizing team tungkol sa pagpili ng kandidata.

Darating sa umaga ng Enero 19 ang mga kandidata at ipapasyal sa Eden Nature Park sa Toril hanggang hapon. Pagkatapos nito, maghahanda na ang mga kandidata para sa fashion show sa SMX Convention Center.

Mabibigyan ng pagkakataon ang umaabot sa 10 designer sa lungsod para mabihisan ang mga kandidata at ang iba naman ay bibihasan ng fashion designer na si Rene Salud mula Manila.

Sinabi ni Teo na umaabot sa 88 kandidata mula sa iba’t ibang bansa ng mundo ang maglalaban-laban sa Enero 30 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Idinagdag niya na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tatakpan ang mga slum area sa national capital para makita ng mga kandidata ang tunay na kalagayan ng Pilipinas. (ANTONIO L. COLINA IV)