BALIK sa finals ng NCAA men’s football ang powerhouse San Beda College matapos gapiin ang dating kampeon Arellano University , 1-0, nitong Huwebes sa Rizal Memorial Football Stadium.
Kinailangan ng Red Booters ng isang late goal mula kay Mike Riconalia upang mapatalsik ang Chiefs at makabalik sa championship match.
Puntirya ng San Beda ang league record na ika-22 titulo at makadistansiya sa dating miyembrong De La Salle University Green Booters na meron ding 21 titulo.
Labis ang pagkadismaya ni Arellano assistant coach Judy Saluria sa aniya’y ‘non-call’ ng referee dahilan sa kanyang ‘ejection’ sa kalagitnaan ng laro.
Nagbabanta na ang draw sa laro, ngunit nakalusot si Riconilla mula sa pasa ni Jerome Marzan sa ika-81 minuto ng laro.
“Lahat ng concentration namin ngayon is naka-focus sa CSB. Kung may game na inaantay talaga namin is yung game talaga sa Tuesday,” pahayag ni Pedimonte.
“So ang tingin ko, labanan na siya ng will kung sino gustong manalo eh. Lahat na ng practical naibato na. So nasa players na kung paano nila gustong manalo.”
Nakatakdang magharap ang San Beda at College of Saint Benilde, nagwagi sa Lyceum Pirates, 2-1, sa championship sa Martes. (Marivic Awitan)