“HUWAG kang papatay.” Ito ang ika-5 Utos ng Diyos. Noong traslacion o prusisyon ng Itim na Nazareno, ikinabit sa itaas ng Quiapo Church ang malalaking titik na “Huwag kang Papatay”. Maraming deboto na sumama sa prusisyon ang nagsuot ng t-shirt na nakatitik ang ika-5 Utos: “Thou shall not kill.”

Sa homily ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ganito naman ang kanyang sinabi sa mga mananampalataya at taumbayan: “Huwag husgahan ang makasalanan.” Dagdag pa ng Cardinal: “Mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal ni Kristo”. Isang kasama sa prusisyon ang napabalitang nagsabi na ang “Huwag kang papatay” ay patama kay President Rodrigo Roa Duterte upang matigil na ang araw-araw na pagpatay sa mga ordinaryong drug pusher at user.

Parang kasagutan sa paalalang “Huwag kang papatay”, muling nagbabala si Mano Digong sa mga local chief executive (mga alkalde) na papatayin niya sila kapag hindi tumigil sa illegal drug trade. “Hanggang ako ang pangulo, mamamatay ang mga big-time shabu dealers, at ang susunod na grupo ay itong mga mayor. Tatawagan ko sila at ikukulong.”

Nagtatanong ang publiko sa Pangulo: “Sa mahigit na 6,000 biktima ng drug war, ilan dito ang naipatumba mong big-time shabu dealers?”. Magugunitang si ex-Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa ay napatay ng mga pulis sa loob ng bilangguan na ayon sa mga senador (Lacson at Gordon) ay isang “police rubout”. “He was killed in a very questionable way, but I don’t care. The policemen said he resisted arrest. Then I will stick with the story of the police because they were under me.” Susmaryosep, anong katwiran ito,” sabi ni PDu30.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inutos na noon pa ni President Rody kay ex-AFP Chief of Staff Gen. Ricardo Visaya na pulbusin ang Abu Sayyaf Group, pero hanggang sa natapos ang termino ni Visaya, nakatindig pa rin ang ASG, patuloy sa pangingidnap at pagkakamal ng milyun-milyong piso (at dolyar) sa mga hostage victim sa Mindanao.

Ngayon naman, tahasang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa loob ng anim na buwan, pupulbusin ng militar ang teroristang Maute Group. Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Bakit mahilig sila sa 6 months? ‘Di ba si PDu30 ay nagbigay ng 6 buwang deadline noon na pupuksain niya ang illegal drugs at kung hindi, siya ay magbibitiw at ibibigay ang poder sa kanyang vice president?”

Mayroon ba o wala? Ito ang katanungan ng mga Pinoy tungkol sa ipinasang 2017 P3.3 trilyong national budget ng Kongreso kung may pork barrel pa rin na ipinagbawal ng Supreme Court at idineklarang unconstitutional. Para kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, may nakasingit pa ring bilyun-bilyong pisong “pork barrel” o Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa mga mambabatas.

Maliwanag, kailangang bigyan pa rin ng Malacañang ng tig-P80 milyon ang bawat kongresista at tig-P200 milyon ang bawat senador sapagkat papaano mapasusunod ng pangulo ang mga ito kung walang kapalit?