Naglunsad na ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa isang coal plant sa Limay, Bataan kaugnay ng reklamo ng mga residente na nagkakasakit na dahil sa makapal na abong ibinubuga ng planta.
Sinabi ng DENR na nagpadala na ang kagawaran ng mga tauhan sa lugar upang mag-imbestiga bilang tugon na rin sa reklamong inihain ng nasa 19 na residente na kabilang sa mga pamilyang naaapektuhan o nagkakasakit dahil sa ash fall.
Ayon sa DENR, isasailalim nila sa acidity at fineness tests ang abo mula sa nasabing open ash dump upang matukoy ang tindi ng panganib na naidudulot nito sa mga residente.
Naiulat na aabot sa 55,000 cubic meters ng abo ang natuklasan sa isang mababaw na hukay sa loob ng planta, na ayon sa DENR ay isa lamang sa mga paglabag sa ipinaiiral na basic safety standards ng kagawaran. (Rommel P. Tabbad)