Mga laro ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Rain or Shine vs. Phoenix
6:45 n.g. -- Ginebra vs SMB
Mas tumatag sa kanilang pagkakaluklok sa solong pamumuno ang tatangkain ng defending champion San Miguel Beer sa pakikipagtuos sa crowd favorite at sister squad Barangay Ginebra ngayon sa pagpapatuloy ng 2017 OPPO-PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ang barahang 6-1, halos tatlong laro ang agwat ng Beermen sa pumapangalawang Talk ‘N Text na nakatakdang sumalang kahapon kontra NLEX sa isang road game sa Angeles City ,Pampanga at Rain or Shine na sasabak naman sa unang laro ngayong hapon kontra Phoenix na kapwa may barahang 4-2.
Ang laro ang magiging una para sa Kings ngayong 2017 kasunod ng huli nilang panalo kontra Star, 86-79 noong nakaraang Pasko.
Ito naman ang unang pagkakataon na magtutuos ang dalawang koponan matapos na mapatalsik ng eventual champion Kings ang Beermen sa semis ng nakaraang Governors Cup.
”We’ll have a feel good sense going to San Miguel Beer and maybe that would help us,” ani Ginebra coach Tim Cone.”We just have to come out and do our best.”
Gayunman, aminado si Cone na nananatiling isang malaking problema para sa kanila ang reigning 3-time MVP na si Junemar Fajardo.
“From a coaching stand point, there’s not a tougher conundrum than June Mar Fajardo,” wika ni Cone.
”Just trying to figure out what to do against him, that perplexed all of us coaches.”
Kasalukuyang nasa ikalimang posisyon ang Kings kapantay ng Star at Alaska hawak ang patas na barahang 3-3, panalo-talo kaya hangad nilang kumalas dito upang mapaganda ang posisyon papasok ng playoffs. (Marivic Awitan)