SA kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 25, 2016, nagsalita si Pangulong Duterte tungkol sa maraming bagay na mahalaga para sa kanya – kabilang sa mga ito ang Lawa ng Laguna. “Itong Laguna Lake, naubos ang mga… wala na ang fishermen. Iyon na lang – one big fish pen to the other… makita mo sa plane every time I go to Davao…. And the fishermen are complaining about their loss. Talagang wala na sila; kasi ang maliit na lugar, iyon lang ang kanila.”
Sinabi ng Pangulo na ang Laguna Lake ay magiging “vibrant economic zone showcasing ecotourism by addressing the negative impact of watershed destruction, land conversion, and pollution… And the poor fishermen will have priority in its entitlements.”
Walong buwan na ang nakararaan simula noon. Ngayon, sinisimulaan nang ipatupad ng administrasyon ang mga plano ni Pangulong Duterte para sa pinakamalaking lawa sa Pilipinas, na ang malaking bahagi ay sinakop na ng mga pribadong indibiduwal at mga kompanya, pinaghati-hatian at nilagyan ng fish pens at fish cages. Sinakop nila ang 12,315 ektarya, na 10,438 ang may record sa Laguna Lake Development Authority. Ang mga mangingisda ay nakikiraan na lamang sa pagitan ng mga bakod ng 358 fish pens at 2,890 fish cages, na tila naging gubat na sa maraming dulo ng mga kawayan na nakalitaw sa tubig.
Ang unang hakbang ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay ang pagdedeklara ng moratorium sa pagbibigay at pagre-renew ng mga permit para sa operasyon ng fish pen sa lawa simula ngayong buwan. Kasabay ito ng utos na demolisyon ni Pangulong Duterte sa lahat ng mga illegal na istruktura sa lawa.
Sa Laguna Lake nanggagaling ang 30 porsiyento ng mga isdang ibinibenta sa Metro Manila, pero sinabi ni Secretary of Agriculture Emmanuel Pinol na kayang punuan ng mga pangisdaan sa Pangasinan at iba pang inland fisheries ang mawawala. Pinag-aaralan na ng DA ang mga potensiyal na lugar na maaaring gawing palaisdaan na kanilang susuportahan.
Ang nagsimulang reaksiyon ni Pangulong Duterte sa pang-aapi sa maliliit na mangingisda sa kanilang minana at tradisyunal na baluwarte sa lawa ay mauuwi sa muling pagsigla at pagkabuhay ng Laguna de Bay na matagal nang nagdurusa sa polusyon at natatambak na banlik sa mga pampang na nagdudulot ng mga pagbaha sa mga bayan ng Rizal at Laguna na nasa gilid nito.
Kasabay ng planong konstruksiyon ng highway sa palibot ng lawa, makatutulong ang pagtanggal sa mga fish pen upang manumbalik ang dating malusog at magandang lawa – na may biyaya para sa lahat, lalo na para sa maliliit na mangingisda, isang marikit na ecotourism site para sa mga bisita, at maaliwalas, payapa at tahimik na pasyalan at pamayanan ng mga karaniwang mamamayan.