May 199 barangay sa Soccsksargen or Region 12 ang idineklarang “drug-free” ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi kahapon ng PNP na ang pagsimot ng droga sa mga barangay ay resulta ng mas pinalakas na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Iniulat ni Chief Supt. Cedrick Train, Region 12 police chief, kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na ang mga barangay ay idineklarang drug-free sa second half ng 2016 bunga ng matagumpay na kampanyang Project Double Barrel ng PNP.
Ngunit ang bilang ay 17 porsiyento lamang ng 1,195 barangay sa rehiyon na kinabibilangan ng apat na lalawigan.
Ang pagdeklara ay ginawa umano mismo ng mga barangay base sa rekomendasyon mula sa isang validation committee na kinabibilangan ng kapulisan, mga lokal na opisyal at iba pang stakeholders. (Fer Taboy)