“I will never declare martial law,” sabi ni Pangulong Duterte sa isang interview sa telebisyon nitong nakaraang Huwebes. “It will lead to the downfall of the country.”

Napakalinaw ng pahayag na ito ng Pangulo kaya maaari nang iwaksi sa isipan ng mga kinakabahan sa pagbabalik ng martial law ang kanilang pangamba.

Unang lumutang ang pangamba sa posibilidad ng martial nang bombahin ang night market sa Davao City na ikinamatay ng 14 dead at ikinasugat ng 70 iba pa noong nakaraang Setyembre. May mga nanawagan ng emergency measures, kabilang na ang state of lawlessness na posibleng mauwi sa deklarasyon ng martial law o ng suspensiyon ng writ of habeas corpus.

Nakahinga nang maluwag ang lahat nang ilabas ang presidential proclamation na may titulong -- “Declaring a state of national emergency on account of lawless violence in Mindanao.”

Ang martial law, sa katunayan, ay hindi na mabisang instrumento na dapat katakutan ng mga mamamayan. Ito ay bahagi pa ng 1935 Constitution at ginamit ni Presidente Ferdinand Marcos sa pagdedeklara ng martial law noong 1972, upang kuno’y mapigilan ang Communist takeover sa bansa. Pagkatapos ng EDSA People Power Revolution noong 1896, ang kapangyarihan ng panguluhan ay istriktong nilimitahan sa 1987 Constitution —na siya nating ginagamit ngayon. Ito ay bilang tugon sa mga pag-aabusong naganap noong panahon ng martial law na nagpasara sa Kongreso noong 1972 at ang Presidente ay namuno sa pamamagitan ng mga decree.

Ngayon, sa ilalim ng kasalukuyang Constitution, ang martial law ay maaari lamang iproklama “in case of invasion or rebellion when the public safety requires it” at magtatagal lamang o hindi lalampas sa 60 araw. At sa loob ng 48 oras, ang Presidente ay kinakailangang mag-ulat sa Kongreso na maaari namang magpawalang bisa sa proklamasyon.

Kung sasakupin ang bansa, sabi ni Pangulong Duterte, maaari siyang magdeklara ng martial law. “But rebellion and insurrection? Wala ‘yan.” Magdedeklara siya ng giyera laban sa bansang lumusob, “(but) you don’t have to declare a war against the Republic of the Philippines” – na siyang nagaganap kung martial law.

Sinabi ni Pangulong Duterte na mas gusto niya ang probisyon ng 1935 Constitution hinggil sa martial law – hindi na kinakailangang magkaisa ang Congress at ang Korte Suprema sa deklarasyon ng presidente. Marahil ay tatalakayin ito ng ilang mambabatas sa Constituent Assembly na malapit nang isagawa upang amyendahan ang Konstitusyon, na ang pangunahing sadya ay upang itayo ang pederalismo bilang sistema ng ating pamahalaan.

Pero hangga’t hindi ito naisasagawa, mapanghahawakan natin ang pahayag ni Pangulong Duterte na hindi siya magdedeklara ng martial law upang labanan ang pambobomba o ang anumang karahasan sa bansa. Hindi ito kailangan, sabi niya. Ang deklarasyon ng state of lawlessness ay sapat na.

Tiyak na mapapanatag ng pananalitang ito ang loob lalo na ng mga nakaranas ng madilim na panahon ng martial law noong 1972-1981 na inaasahan nating hindi na muli pang mamamayani sa ating bansa.