Lumapit ang Pilipinong International Master na si Haridas Pascua sa inaasam nitong maangkin bilang opisyal na Grandmaster matapos magwagi sa 2016 Hong Kong International Open na ginanap sa Kung Lee College sa Tai Hang Drive, Hong Kong.
Ginulat ni Pascua sa pagtatala ng matinding panalo sa huling dalawang round ng torneo upang maigting na tapusin ang kampanya sa taong 2016 sa pagtatala ng kabuuang 8.5 puntos na naitala nito mula sa walong panalo at isang draw.
Tanging kinakailangan na lamang ni Pascua para sa hinihintay nitong GM title ay ang malampasan ang 2500 FIDE rating upang dumagdag sa mga grandmaster sa bansa.
Ang world ranked 1512 na si Pascua ay huling itinala ang rating na 2435.0 sa Standard noong Enero 2016 habang mayroon itong 2396 rating sa Rapid at 2470 sa Blitz.
Pinakamataas na naabot ni Pascua, na mula Pangasinan at nagtapos sa University of Baguio, na rating ay 2462 noong Nobyembre 2015.
Gayunman, bunga ng huli nitong panalo at dagdag ang mga pagwawagi sa ilang torneo sa Thailand at India ay inaasahang lalapit si Pascua na makatuntong sa kailangang 2500 rating ngayong taon.
Una nang nakamit ni Pascua ang IM Title matapos na tumuntong sa 2400 FIDE rating sa itinala na 2418 noong Marso 2013.
Nakuha naman nito ang tatlong GM Norm simula sa PSC/Puregold International Chess Challenge Open, Quezon City, Philippines, 14-20 December 2014 habang ang 2nd GM normsa 5th HDBank Cup International Open Chess Tournament, Vietnam, 17-22 March 2015. Ang 3rd GM norm ay sa 22nd Abu Dhabi Int. Chess Festival Masters, Abu Dhabi. UAE noong 23-31 August 2015. (Angie Oredo)