Nakisaya at nakihalo sa pagdiriwang ng ika-120th Rizal Day ang Philippine Sports Commission sa pagsasagawa ng family-oriented at community physical fitness development program na Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN sa Burnham Green sa makasaysayang Luneta Park.
Maagang sinimulan ng PSC Laro’t-Saya ang mga itinakdang aktibidad sa paggunita sa araw ng kamatayan ng Pambansang Bayani kung saan dinaluhan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa pinakamalaking bandila sa bansa bago nito sinundan ng pag-aalay ng bulaklak sa himlayan ni Gat Jose Rizal.
Pinasaya muna ng mga instructor ng popular na Zumba ang mga tagasunod ng programa na sinaluhan na rin ng mga namamasyal at nagsisipanood sa aktibidad habang isinagawa rin ang dati nang sports na volleyball, football at badminton.
Umabot naman sa kabuuang 159 katao ang nagsisali sa programa kabilang ang badminton (13), football (34), volleyball 12, senior citizen (4) at Zumba (96). (Angie Oredo)