Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang ilan sa mahigit 30 kataong nasugatan sa pagsabog ng dalawang improvised explosive device (IED) sa kainitan ng boxing match na bahagi ng pagdiriwang ng pista ng Immaculate Conception sa bayan ng Hilongos sa Leyte, nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-8 Operations Head Senior Supt. Domingo Cabillan, nangyari ang pagsabog dakong 9:20 ng gabi sa Plaza Rizal sa Barangay Central, Hilongos, habang nasa kainitan ng boxing match na pinanonood ng daan-daang katao.

Sinabi naman ni Leyte Police Provincial Office (PPO) Director Chief Supt. Franco Simborio na magkasunod na sumabog ang dalawang bomba, na ginamitan ng bala ng 81mm mortar, bagamat mahina lang ang ikalawang pagsabog.

Kinilala ni Senior Supt. Cabillan ang mga biktimang sina John Reynal Lamo, 15, ng Bgy. Atabay; Vicente Nuñez, 24, ng Bgy. Kang-iras; Jessica Geli, 39, ng Bgy. Hampangan; Ricardo Regaton, 53, ng Bgy. Atahay; Jun Rey Lumbre, 20, ng Bgy. Central Poblacion; Aldrin Goltiano, 19, ng Bgy. Utanan; Joseph Ryan Bohol, 24, ng Bgy. Kang-iras; Domingo Oliva, 60, ng Bgy. Tagnate; Revin Manicar, 13, ng Bgy. Maranog; Cristita Ano-os, 47, ng Bgy. Marangog; Christian Lelis, 14, ng Bgy. San Roque.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kabilang din sa mga nasugatan sa pagsabog sina Leticia Liba, 55; Erwin Liba, 33; Jay Miguel Liba, 15, pawang ng Bgy.Tagnate; Rudy Bulfa, 33, ng Bgy. Campina; Elmer Rebullos, 27, ng Bgy. Marangog; King Michael Melgar, 19; Leonilo Vilaro, 20, kapwa ng Bgy. Marangog; Doroteo Libres, 50, ng Bgy. Atahay; Roselyn Lasmarias, 42, ng Bgy. San Roque; Wilbert Fornis Solera, 24; Rogelio Managbanag, 26; Idinio Abes, 21; Mornillo Macarat Lusuegro; Marcelina Abina, 67; Joel Mamatak, 14, ng Bgy. Lamak; Mary Grace Judias, ng Bgy. Marangog; Libra Christian Prado, 12, ng Bgy. Tagnate, pawang taga-Hilongos; at sina Chris Angel Abina, 7; at Jessie Abina, 32, kapwa taga-Bgy. Alegria, Bato, Leyte.

WALANG NASAWI

Samantala, kasabay ng paghingi ng paumanhin ay kaagad nilinaw ng Malacañang na walang nasawi sa pagsabog.

Ito ay makaraang maiulat ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella kahapon ng madaling araw na 10 katao ang namatay sa pagsabog sa Hilongos.

Nagpalabas naman ng sarili niyang paglilinaw si Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo kaugnay ng pagkakamali at inako ito, sinabing sa kanyang kagawaran nanggaling ang maling impormasyon na naiparating kay Abella.

GAWANG MAUTE?

Kaugnay nito, hindi itinatanggi ni Col. Benjamin Hao, tagapagsalita ng Philippine Army, na isa sa mga itinuturing nilang suspek ang Maute terror group—na nasa likod ng pambobomba sa Davao City noong Setyembre 2, na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng 71 iba pa.

“According to our sources, pinag-aaralan pa nila,” sinabi kahapon ni Hao. “They are looking at all possible angles.”

(FER TABOY, NESTOR ABREMATEA, ROY MABASA at FRANCIS WAKEFIELD)