Mukhang wala talagang makapipigil, sa kabila ng holiday season, sa mga armado matapos nilang muling bumiktima, isang high school student, sa Quezon City nitong Lunes.
Ang biktima, 17, ang pinakabagong naitalang kaso matapos siyang barilin sa tapat mismo ng kanyang bahay sa Riverside Street, Barangay Commonwealth, dakong 2:00 ng madaling araw.
Base sa ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nakarinig umano si Richel Sumalpong, kapitbahay ng biktima, ng sunud-sunod na putok ng baril bago madiskubre ang bangkay ng biktma.
Agad umanong tinawag ni Sumalpong ang mga kamag-anak ng biktima na sila namang nag-report sa mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, tadtad ng tama ng bala sa katawan ang biktima.
Ayon kay Chief Insp. Elmer Monsalve, hepe sa homicide section ng QCPD-CIDU, nakumpiska mula sa bulsa ng biktima ang isang maliit na glass pipe na naglalaman ng pinaghihinalaang marijuana.
Sinadya mang ilagay sa bulsa ng biktima o hindi, sinabi ni Monsalve na aalamin nila kung marijuana nga ito.
“We are still finding out whether he was in the drug watch list or not. We are investigating,” sambit ni Monsalve.
(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)