ILANG araw na lang ang nalalabi at papasok na ang bagong taong 2017 kaakibat ang pag-asa at mga inaasahan dito. Sa nakalipas na anim na buwan, pinagtuunan ng mga pagsisikap ng bagong administrasyong Duterte ang problema sa ilegal na droga, gaya ng ipinangako ng Pangulo noong nangangampanya pa. Sa pagpasok ng bagong taon, inaasahan nang lulubusin ng gobyerno ang pagkilos upang resolbahin ang maraming iba pang suliranin ng bansa, sa pangunguna ng pinakamatindi sa lahat—ang kahirapan.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang 2017 General Appropriations Act nitong Huwebes—nasa P3.35 trilyon ang budget para sa susunod na taon, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa. Alinsunod sa probisyon ng batas na nagsasaad na edukasyon ang dapat na gawing prioridad sa budget, ang Department of Education (DepEd)—na nangangasiwa sa pangunahing edukasyong elementarya at sekundarya—ang may pinakamalaking alokasyon sa lahat ng ahensiya ng gobyerno—P544.1 bilyon.
Bukod dito, ang Commission on Higher Education (CHED), na namamahala sa tertiary education, ay pinaglaanan ng P18.7 bilyon, habang ang State Universities and Colleges (SUCs) ay may budget na P58.72 bilyon, kabilang na ang P8.3 bilyon na magkakaloob ng libreng edukasyon sa mga eskuwelahan ng gobyerno, ang kauna-unahan sa kasaysayan.
Para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroong P128.3-bilyon budget, kabilang na ang pondo sa pagpapatuloy ng Conditional Cash Transfer program upang maayudahan ang pinakamahihirap na pamilya sa bansa. Para sa Department of Health (DoH), naglaan ng P96.3 bilyon, habang ang PhilHealth ay may budget na P53.22 bilyon para sa pangkalahatang programang pangkalusugan. Para sa Department of Interior and Local Government (DILG), may inilaang P148 bilyon at P137.2 bilyon naman ang budget ng Department of National Defense (DND).
Dalawa pang kagawaran ang malaki ang nadagdag sa budget—ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na may P454.7 bilyon sa susunod na taon, at ang Department of Transportation (DoTr) na may P53.3 bilyon. Maglulunsad ang mga ito ng dambuhalang programang pang-imprastruktura na nagkakahalaga ng P850 bilyon—para sa mga road network at mga tulay, mga gusaling pampaaralan, mga ospital, mga paliparan at mga pantalan. Ang mga proyektong pang-imprastrukturang ito ay magkakaloob ng trabaho sa libu-libo habang pinasisigla ang pambansang produksiyon at humihikayat ng mga lokal at dayuhang pamumuhunan. Ito ang sentro ng programa ng pamahalaan laban sa kahirapan sa bansa sa bagong taon.
Isa pang pangunahing bahagi ng programa kontra kahirapan ay ang mga panibagong pagsisikap sa agrikultura, dahil sa mga lalawigan matatagpuan ang pinakamahihirap sa bansa. Para sa Department of Agriculture (DA), ang inilaang budget ay P45.2 bilyon at para sa Department of Agrarian Reform (DAR), naglaan ng P9.8 bilyon. Bukod dito, mayroon pang P38.4 bilyon na inilaan para sa National Irrigation Authority (NRA) upang hindi na kailangan pang magbayad ng mga magsasaka ng irigasyon o patubig para sa kanilang mga sakahan.
Pasisiglahin ng programang pang-imprastruktura ang pribadong sektor na nagkakaloob ng karamihan ng trabaho sa bansa, habang nagtatayo ng mga pasilidad na magsusulong sa pangkalahatang kaunlarang pang-ekonomiya sa bansa. Higit pa nitong paaalagwahin ang Gross Development Program (GDP) ng bansa, na dahil umabot sa 7.1 porsiyento ay naging pinakamabilis umunlad na ekonomiya sa Asia ang Pilipinas.
Ngunit higit pa sa estadistikang ito sa pambansang kaunlaran, inaasahan natin ang mas maraming trabaho para sa mamamayan bilang resulta ng lahat ng proyektong nakapaloob sa bagong pambansang budget at bunsod na rin ng mga aktibidad sa pribadong sektor. Ang kaunlaran ay dapat na sumasaklaw at dama ng lahat, at partikular na pinakikinabangan ng masa. Ito ang pinakamasidhing inaasam sa unang pambansang budget ng bagong administrasyong Duterte.