Iniulat ng Department of Health (DoH) na umabot na sa 23 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng paputok sa bansa.

Ito ang naitala simula nitong Disyembre 21, kung kailan sinimulan ng kagawaran ang pagmo-monitor sa firecracker-related injuries, hanggang 6:00 ng umaga kahapon.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, 22 sa mga ito ay naputukan habang isa naman ang nakalulon ng paputok.

Labing-siyam sa mga ito ay lalaki at karamihan ay 15-anyos pababa, at 13 ang taga-National Capital Region (NCR).

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Nabatid na piccolo pa rin ang pinakamaraming nabiktima, umabot sa walo, dahil ito ang pinakamura at madaling bilhin.

Nananatili namang naka-white alert ang lahat ng ospital dahil sa inaasahang pagdami pa ng mabibiktima ng paputok hanggang sa Sabado, bisperas ng Bagong Taon.

PANAWAGAN SA MGA MAGULANG

“Kung mahal n’yo ang inyong mga anak, huwag n’yo silang hayaang gumamit ng paputok.”

Ito ang hamon ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial sa mga magulang ngayong ipinagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon, kung kailan inaasahang marami pa rin, partikular na ang mga bata, ang hindi mapipigilang gumamit ng paputok.

Ayon kay Ubial, kinakailangang bantayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak upang matiyak na hindi sila gagamit ng paputok.

Sa ulat ng DoH, nabatid na pinakamaraming firecracker-related injuries ang naitala sa Maynila at Quezon City.

Tiniyak naman ng kagawaran na hindi sila magsasawa sa pagpapaalala sa publiko na umiwas sa paggamit ng paputok at sa halip ay gumamit na lamang ng alternatibong paraan upang makapag-ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon.

(Mary Ann Santiago)