Sa kulungan nag-Pasko ang anim na lalaki, kabilang ang mag-anak na umano’y sangkot sa ilegal na droga, matapos silang maaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Makati City nitong Sabado.
Kinilala ni Makati City Police chief Senior Supt. Milo Pagtalunan ang magkakamag-anak na suspek na sina Claudio Pocholo Mapalad y del Mundo, alyas “Cricket”, 28; Raymond Mapalad y Almente, alyas “Mon”, 48; at Carlos Jovo Mapalad y del Mundo, 26, pawang residente ng No. 7235 J. Victor Street, Pio Del Pilar, Makati City.
Ang tatlo pang suspek ay sina Ronald Paguia y Bernardo, alyas “Ronnie”, 49, ng No. 7239 J. Victor St.; Arthuro Quinto y Castro, alyas “Jun”, 38, ng No. 8041 Roosevelt St., Pio Del Pilar; at Eugene Senado y Santiago, alyas “Unjing”, 36, ng No. 259 Arellano St., Barangay Palanan ng nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, dakong 9:30 ng umaga nadakip ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ang magkakamag-anak na suspek, kasama sina Paguia at Quinto sa J. Victor St., Pio Del Pilar.
Isang pulis ang tumayong poseur buyer at binentahan umano siya ng mga suspek ng ilang plastic ng shabu na naging sanhi ng kanilang pagkakaaresto.
Samantala, dakong 1:00 ng hapon dinakma ng SAID-SOTG si Senado sa Bgy. Poblacion, Makati City.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang pakete ng umano’y shabu at buy-bust money.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isasampa laban sa mga suspek.
(Bella Gamotea)