Makalipas ang mahigit isang buwan, tuluyan nang naaresto ng mga pulis ang isang hinihinalang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na siyang bumaril at pumatay kay Bureau of Internal Revenue (BIR)-Makati regional director Jonas Amora sa Quezon City.
Sa press conference kahapon, iniharap sa media ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar si Allan Manalo, 43.
Ayon kay Eleazar, si Manalo ang isa sa mga suspek na responsable sa pananambang sa 55-anyos na Makati revenue chief noong Nobyembre 21.
Base sa imbestigasyon, papasok si Amora sa trabaho, kasama ang kanyang driver na si Angelo Pineda, nang sila’y tambangan ng riding-in-tandem sa pagitan ng Topside Road at C-5 Katipunan Avenue sa Barangay Escopa 2, dakong 5:02 ng madaling araw.
Agad namatay si Amora habang itinakbo ni Pineda ni ang sarili sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sa kabila ng tama ng bala sa mukha.
Nagawang maaresto si Manalo dahil sa indiscriminate firing sa Hill Street, Bgy. Batasan Hills nitong Disyembre 23.
Naiulat na siya’y lasing habang walang habas na nagpaputok ng baril dahilan upang siya’y arestuhin.
Habang isinasailalim sa interogasyon, sa pamamagitan ng artist sketch na inilabas noong Nobyembre 24, namukhaan si Manalo ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) bilang isa sa mga suspek sa pagpatay kay Amora.
Ayon pa kay Eleazar, nagpakilala umanong CAFGU member si Manalo na nasa ilalim ng pamamahala ng Armed Forces of the Philippines. Nakasuot din umano ng army sports si Manalo nang siya’y arestuhin.
Bukod sa baril, nakumpiska rin kay Manalo ang 58 piraso ng bala ng caliber .45 at isang hindi pa matukoy na uri ng granada. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)