Pinag-iingat ng Phillippine Atmopsheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga taga-Bicol Region sa inaasahang pag-landfall ngayong Linggo ng bagyong ‘Nina’ (international name: Nock-Ten) sa rehiyon.

Sa report ng PAGASA bago magtanghali kahapon, huling namataan ang bagyo sa layong 445 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang lakas ng hanging 150 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 185 kph.

Ang bagyo ay kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

Kasabay ng babala ng PAGASA na posibleng maging malaki ang pinsala ng bagyo, iniulat ng pribadong Weather Philippines na posibleng umabot sa super typhoon status ang Nina habang papalapit sa Bicol.

Internasyonal

10k free condoms, ubos agad sa Winter Olympics!

Kaugnay nito, itinaas kahapon ang Signal No. 1 sa Southern Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, kasama na ang Ticao at Burias Islands, Northern Samar, Samar, at Eastern Samar.

MAINAM ANG MAG-OVERREACT

Dahil dito, nagpadala na kahapon ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mga rubber boat at mga tauhan ng Special Operations Group (SOG) nito sa Bicol Region bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.

Sa bisperas ng Pasko, nagpadala ang PCG ng tatlong M35 truck, isang maliit na truck, 15 rubber boat, at pitong grupo mula sa SOG.

“Mas OK na pong mag-overreact than underreact. At ngayon po pupunta nang mas maaga ang puwersa natin galing Manila and Batangas to Bicol,” sinabi kahapon ni PCG officer-in-charge Joel Garcia.

Kasabay nito, nanawagan si Garcia sa mga pangunahing TV network na maagap na ipadala sa PCG headquarters ang kanilang mga donasyon at relief goods, o kung meron man ay emergency generators, upang agaran nila itong maipadala sa Bicol sakaling kailanganin ito ng mga masasalanta ng bagyo.

“Meron po kaming isang barko na nakalaan kung sakaling magbigay ng donasyon ang ABS-CBN, GMA, at TV5. Kung kayo po ay may donasyon na, ipadala niyo na po agad dito sa Coast Guard at kaagad-agad paaalisin natin ‘yung barko,” panawagan kahapon ni Garcia.

LIBU-LIBO ANG STRANDED

Kinumpirma rin ni Garcia na kahapon pa lang ng umaga ay sinuspinde na ang maraming biyahe sa Bicol dahil na rin sa maalong dagat.

Sa datos kahapon ng tanghali, nasa 4,338 pasahero, 144 rolling cargo, 20 barko at tatlong motorbanca ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Bicol.

Sa Eastern Visayas, 1,385 pasahero at limang barko ang stranded din.

Bukod sa Bicol, sinabi ni Garcia na libu-libo pang pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Matnog, Sorsogon at Allen sa Samar dahil sa pagsuspinde ng mga paglalayag.

Sa kabila nito, libu-libong pasahero pa rin ang dumagsa kahapon sa mga pantalan sa pagpipilit na makauwi sa kani-kanilang pamilya ngayong Pasko.

Sa datos ng PCG kahapon ng tanghali, nasa 75,076 ang dumagsa sa iba’t ibang pantalan sa bansa, alinsunod sa datos para sa “Oplan Ligtas Biyahe: Krismas 2016” ng ahensiya.

Dakong 3:00 ng hapon naman nang ipatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang biyahe ng lahat ng bus na patungong Southern Luzon dahil sa bagyo.

Ito ang inihayag ng LTFRB kasunod ng pagpapatigil ng PCG sa lahat ng maglalayag patungong Bicol, para na rin maiwasang madagdagan pa ang mga pasaherong stranded sa mga pantalan sa Batangas at Bicol.

RED ALERT AT TEXT ALERT

Samantala, nagpalabas ng red alert status ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng inaasahang pananalasa ng Nina.

Sa pamamagitan ng field office nito sa Bicol, inihanda na ng DSWD ang P8-milyon halaga ng relief goods sa 25 lokal na pamahalaan sa rehiyon.

Kasabay nito, nanawagan naman si Senator Grace Poe sa mga telecommunications firm na magpadala ng mga text message sa lahat ng kani-kanilang subscriber kaugnay ng bagyong Nina.

(ROMMEL TABBAD, ARGYLL CYRUS GEDUCOS, VANNE ELAINE TERRAZOLA, ELLALYN DE VERA at LEONEL ABASOLA)