Nasa balag na alanganin ang apat na pulis-Makati makaraang ireklamo ng isang babaeng Thai sa kasong pandurukot at pangingikil.

Ayon sa isang source mula sa National Bureau of Investigation (NBI), humingi ng tulong ang complainant, ayaw magpabanggit ng pangalan, sa kanilang ahensiya kaugnay sa mga pulis na umano’y dumukot sa kanyang asawa at nangikil ng P500,000 para “safe release” nito.

Base sa police report, inaresto ang asawa ng complainant dahil sa illegal possession .38-cal. revolver na kargado ng ammunition sa isang “legitimate operation” nitong Miyerkules.

Ayon sa pulis, inaresto ang asawa ng complainant habang naglalakad sa kahabaan ng Chino Roces Avenue sa Makati City.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Samantala, sinabi ng complainant sa NBI agents na nitong Miyerkules ng gabi ay nagsimula nang manghingi sa kanya ng pera ang mga pulis ng Makati dahil kung hindi ay kakasuhan umano ang kanyang asawa.

Inilunsad ng NBI ang entrapment operation ngunit makalipas ang ilang oras, nagbago ng plano ang mga suspek at sinabing sa opisina na lamang nila sa San Antonio, Makati City iabot ang pera.

Sinabi ng NBI na “impractical if not impossible” na magsagawa ng entrapment operation sa loob ng isang police station, pinili na lamang ng NBI na ipaalam ito kay Chief Supt. Ramon Apolinario, Southern Police District (SPD) director, at hiningi ang kanyang tulong.

Dito na iniharap ni Apolinario ang mga suspek na kinilalang sina Chief Inspector Aurelio Domingo, head ng Makati Police SOG; PO3 Marvin Garcia; PO2 Lloyd Fernandez; at PO1 Shamindoning Tomondog.

Napag-alaman na sinibak na pala sa puwesto ang mga ito at inilipat sa SPD District headquarters unit sa Taguig City habang “they are being investigated for grave misconduct and irregularity in the conduct of police operation.”

(Betheena Kae Unite)