Limang katao, kabilang ang isang dating pulis na isa sa mga suspek sa pambobomba sa Davao City night market nitong Setyembre 2, ang naaresto nitong Huwebes ng mga pulis at sundalo sa isang checkpoint sa Maguindanao.

Kinilala ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang suspek na si dating PO2 Jessy Vincent Guinto Original, alyas “Abu Aisha”, dating nakatalaga sa Antipolo City Police sa Rizal.

Ayon kay Gen. Padilla, kabilang si Original sa mga responsable sa Davao Night Market Bombing na pumatay sa 15 katao at ikinasugat ng nasa 70 iba pa.

Sinabi ni Padilla na dinakip ng mga tauhan ng AFP at Philippine National Police (PNP) ang sinasabing Davao bombing suspect sa isang checkpoint sa Sitio South Madalum, Barangay Nabalawag, Barira, Maguindanao, bandang 4:00 ng hapon nitong Huwebes.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Bukod kay Original, pinagdadampot din ang apat na iba pang suspek sa nasabing checkpoint.

Ayon kay Gen. Padilla, sa checkpoint ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region of Muslim Mindanao (CIDG-ARMM), Maguindanao Police Provincial Office, 37th Infantry Battalion at 6th Infantry Division ng Philippine Army, ay naaresto rin sina Arumpac Ibrahim Pandita, Hamsa Bagul, Musa Rasamal at Mohammad Said Jamla.

Inaresto ang apat mula sa anim na sasakyan na hinarang dahil walang mga plaka, ngunit kaagad na nagbabaan ang iba pang mga pasahero at inabandona ang mga sasakyan.

Natagpuan sa isa sa mga sasakyan ang isang set ng improvised explosive device (IED) materials, samantalang nakumpiskahan naman ang mga dinakip ng apat na granada.

Kinumpiska rin ng awtoridad ang anim na sasakyang walang plaka. (FRANCIS T. WAKEFIELD)