Nakasungkit ng tansong medalya si 29th Malaysia Southeast Asian Games protégée Carlos Edriel Yulo sa tampok na Individual All-Around Final sa Junior Men’s Division sa Voronin Cup sa Olympic Stadium sa Moscow, Russia.
May pagkakataon sana na makasungkit ng ginto ang produkto at nadiskubre sa Batang Pinoy na si Yulo kung hindi lamang ito nagkamali matapos na mahulog sa pommel.
Nagawa rin ni Yulo na makapagkuwalipika sa lima sa anim na event sa men’s gymnastics kung saan mahirap ang makasungkit ng medalya dahil kailangan nitong makaipon ng puntos sa lahat ng mga events para makasama sa nasabing kategorya.
Kinailangan ni Yulo na lumahok sa floor, pommel horse, still rings, vault, parallel bars at high bars.
Si Yulo ay isa sa apat na batang atleta kasama sina pole vaulter EJ Obiena, tennis ace AJ Lim at swimmer Ashley Yu na nakakuha ng athletic scholarships mula sa Olympic Solidarity Movement ng International Olympic Committee.
Produkto ng Batang Pinoy, huling nagwagi ng dalawang gintong medalya si Yulo sa Pacific Rim Championships sa Washington DC, USA upang mapili sa 16 na batang atleta sa Olympic scholar, na ang pagsasanay ay direktang suportado ng International Olympic Committee para sa hangaring makapagkuwalipika sa Tokyo 2020. (Angie Oredo)