Ipinagpatuloy ng batang cue artist na si Chezka Centeno ang kanyang husay sa internasyonal matapos makuha ang No. 7 spot sa World Pool Billiard Association world ranking.

Nakamit ng 17-anyos na si Centeno ang career milestone matapos ang matinding kampanya sa Women’s World 9-Ball Championship sa Emeishan, China, kung saan nakalusot siya sa quarterfinal.

Matatandaan na nagawa ni Centeno na magwagi sa Amway eSpring International Women’s 9-ball Championship at makamit ang WPBA ranking points sa pagsabak nito sa China Open at CBSA Jiaxing tourney.

Ang ipinagmamalaki ng Zamboanga ay nakaungos kay two-time World Cup titlist Rubilen Amit bilang top-ranked Philippine bet sa pinakamahuhusay na cue artist sa buong mudo kung saan ang Chinese na si Yu Han, ang bagong kinoronahan na World 9-ball queen, ang nasa No. 1 overall.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Si Amit, dating world 10-ball titlist, ay nahulog ng limang hakbang tungo sa ika-12th silya matapos ang kanyang Last-16 na kampanya sa world 9-ball tilt.

Ang pinakabatang cue artist sa national pool na si Centeno at ang beteranong si Amit ay masaklap na napasama sa maagang draw para makaharap sa Round-of-16, upang iwanan ang tanging lahok ng bansa na lumalaban.

Ang dalawang manlalaro ay naglaban na rack to rack bago nagwagi si Centeno sa iskor na 9-8.

Nagawang ipagpatuloy ni Centeno ang kanyang pagsabak tungo sa Last-16 kung saan tinalo nito ang Japanese na si Keiko Yukawa, 9-5.

Nakipagpalitan itong muli kada rack kontra Gao Meng sa isang matira-matibay na labanan para sa silya sa semis berth subalit nagkamali sa isang krusyal na tira na nagbigay kay Gao para walisin ang 17th rack.

Tinalo naman ni Han si Kawahara sa finale, 9-7, upang sungkitin ang korona. Binigo naman ni Gao si Bai Ge para sa tansong medalya, 9-6. (Angie Oredo)