GENERAL SANTOS CITY – Kung tadhana ang magdidikta, si Senator Manny Pacquiao ang susunod na pangulo ng Pilipinas.
Mismong si Pangulong Duterte – special guest sa ika-38 taong kaarawan ng eight-division world champion – ang nagpahayag na sa status ni Pacquiao, walang duda na siya ang susunod na pangulo ng bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na ang ‘People’s Champ’ ay magiging Chief Executive, na sinalubong naman ng masigabong palakpakan mula sa mga tagahanga at kababayan ng Senator.
“Pacquiao would be president of the Philippines,” sambit ni Duterte.
Ikinatuwan ni Pacman ang pahayag ng Pangulo, ngunit sinabi niyang maaga pa para pagtuunan nang pansin ang pagtakbo sa pagkapangulo ng bansa. Kwalipikado si Pacman sa 2022 sa edad na 43-anyos.
Aniya, nakatuon ang kanyang pansin sa pagpapasa ng mga batas sa Senado na makatutulong sa mamamayan at matulungan si Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga, krimen at korapsyon.
Iginiit din ng kasalukuyang WBC welterweight champion ang matinding pangangailangan sa mga programa na magsasalba sa kahirapan nang maraming Pilipino.
Hindi matatawaran ang talas nang kaisipan ni Pacquiao sa kasalukuyang kaganapan sa bansa at lutang na lutang ang kanyang pagmamalasakit sa bayan sa mga isinasagawang Senate hearing.
“Malayo pa yan (presidency). Huwag muna natin iyang isipin. May trabaho pa tayo sa Senate at puwede pa akong lumaban at least two more fights,” sambit ni Pacman. (Gilbert Espena)