Nag-release ng tubig kahapon ang Magat Dam sa Ramon, Isabela dahil sa patuloy na pag-uulan sa lalawigan at sa marami pang bahagi ng bansa.
Dakong 6:00 ng umaga kahapon nang buksan ang spilling gate ng Magat Dam sa taas na 0.5 metro.
Ito ay kasabay ng babala kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko sa posibilidad ng baha at landslide sa maraming bahagi ng bansa dahil sa nararanasang tail-end ng cold front.
Sa weather advisory ng PAGASA, tinukoy nito ang Northern Luzon, Metro Manila, Southern Luzon, at ilang dako ng Visayas at Mindanao na maaapektuhan ng pag-uulan.
Kaugnay ng water release ng Magat Dam, binabantayan na rin ang La Mesa Dam sa Quezon City, gayundin ang Pantabangan Dam, Binga Dam, San Roque Dam, Ambuklao Dam, Ipo Dam, at Caliraya Dam sa posibleng pagtaas ng tubig sa mga ito.
(Rommel P. Tabbad)