Patok ang buong line-up ng mga karerang gaganapin mamayang hapon sa pagdiriwang ng 3rd Pasay – The Travel City Racing Festival sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.

Well-balanced at lahat ay may panalo sa lahat ng 13 karerang bibitiwan mula 2:00 ng hapon para sa event na ito na ngayon ay nasa ikatlong sunod na taon na ng pagdiriwang.

Kahit na nalilyamado si Sakima sa 3rd Pasay – the Travel City Cup, ang kanyang apat na kalaban ay inaasahang magbibigay ng magandang laban sa karerang ito na paglalabanan sa distansyang 1,600 meters.

Kaya kasing gumawa ng upset ang apat na sina Aquamarine, Love To Death, Strong Champion, at Exhilarated para talunin ang llamado para sa top prize na P420,000. Ang sesegundo’y tatanggap ng P157,500 ang tersero’t quarto naman ay may P87,500 at P35,000, ayon sa pagkakasunod.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Balikatan naman ang line-up sa 3rd Mayor Tony Calixto Cup na paglalabanan sa distansyang 1,400 meters at may nakalistang pitong kalahok. Ang mga ito’y sina Headmastership, Takas, Secret Affair, Mysterious Souond, Stravinsky, Divine Master, at Biglang Buhos.

Meron ding total prize na P700,000 ang karerang ito kaya naman ito ang isa sa mga inaasahang bugbugan sa simula pa lang hanggang sa finish line.

Ang winning owner, trainer at hinete sa dalawang karerang ito’y tatanggap ng magandang tropeo bawat isa kasama na ang isang magarang horse blanket.

Hindi rin pahuhuli ang mga listahan ng 11 Trophy Races na nakahanda sa buong araw ng karerang sisimulan ng 2:00 ng hapon. Dahil na rin sa dami ng mga kalahok at balansyadong line-up, tiyak na mahihirapan ang mga racing fans na mamili ng mga mananalo.

Lahat ng mga Trophy Races ay may guaranteed prize na R150,000 at tropeo para sa winning owner habang lahat ng winning grooms ay tatanggap naman ng tig-isang 25-kilo sack of rice bilang pamasko ni Mayor Calixto.

“Mas matindi ang line-up natin ngayong ikatlong edisyon kaya naman tiyak na masisiyahan ng husto ang ating mga Bayang Karerista. Inaasahan namin ang inyong suporta at ngayon pa lang ay nagpapasalamat na kami ng malaki dahil na rin sa ibinigay na ayuda n gating mga kasamahan sa industriya ng karera,” sabi ni Mayor Calixto.

Idinagdag niya na ang pakarerang ito ay siyang culminating event ng 153rd Founding Anniversary ng Pasay City, na isa sa limang lungsod lamang sa Maynila na binigyan ng Seal of Good Local Governance ngayong taong ito. (Angie Oredo )