Inaasahang dadagsain ng racing aficionados ang mga lehitimong OTBs sa bansa para makaamot ng suwerte sa tumataginting na P1.8 milyong premyo sa itinakda ng Metro Manila Turf Club na carry-over sa tanging Winner-Take-All event sa Sabado sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.
Sisimulang buksan ang mga off-track betting stations (OTBs) bago mag-alas 12 ng tanghali o dalawang oras bago ang unang karera sa ganap na alas-2 ng hapon upang agad na maasikaso ang inaasahang pagdating ng mga tagasunod ng horseracing sa bansa para lumahok sa tanging WTA event.
Ang WTA ay nakatakda sa races 3 – 9 para mas mabigyan ng tamang oras ang mga racing aficionados na mapili ang kanilang inaasahang mananalo. Kabuuang P1.8-million ang natipon mula sa huling WTA na ginawa sa MetroTurf noong Disyembre 2 kung saan walang nadeklarang nagwagi.
Tinataya na aangat pa ang labanan sa pagsasagawa ng MMTC nang MetroTurf Christmas Super Weekend kung saan dalawang malaking karera ang isasagawa na 3rd Pasay – The Travel City Racing Festival sa Linggo, Disyembre 18 at ang KASAPI Benefit Racing sa Disyembre 17.
Maliban sa tampok na P1.8-million carry-over sa nag-iisang WTA, magsasagawa din ang KASAPI ng promo “P20 Mo Manalo ng Motorsiklo!”kung saan 12 motorcycles ang ipapa-raffle sa mga masusuwerteng karerista. (Angie Oredo)