PINABAGSAK ng Lyceum of the Philippines ang Mapua, 25-16, 25-21, 25-12, nitong Miyerkules para patatagin ang kampanya sa semifinal ng NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.
Galing sa masaklap na five-set na kabiguan sa College of St. Benilde, nakabawi ang Lady Pirates para sa ikaapat na panalo sa limang laro para makasosyo ang Arellano sa ikatlong puwesto.
Hataw si team captain Cherilyn Sindayen sa naiskor na 18 puntos, tampok ang 14 na kill para sa Lady Pirates.
Nangunguna ang San Sebastian na may malinis na 6-0 karta, kasunod ang St. Benilde (5-1).
Nag-ambag si Czarina Orros ng walong puntos para sandigan ang Lady Pirates sa paggapi sa Lady Cardinals.
“Hindi pa rin kami satisfied sa ginagalaw nila kasi alam ko na kaya pa nilang umangat ng laro,” sambit ni Lyceum coach Emil Lontoc.
“Ang sinasabi ko nga sa kanila kahit sinong team dito kaya naming talunin kapag gumanda ang laro namin at nag-peak na kami,” aniya.
Nanguna sa Mapua sina Dianne Latayan at Angeline Manungdayao na parehong may limang puntos.
Sa men’s play, naisalba ng Mapua ang matikas na ratsada ng LPU, 25-18, 25-20, 22-25, 14-25, 15-13, para sa 3-3 karta.
Ratsada si Alfredo Pangulong sa Cardinals sa naiskor na 17 puntos, habang tumipa sina Mark Egan ng 12 puntos at skipper Angelino Pertierra na may 10 puntos.