Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sinasabing drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Nakaposas at nakasuot ng bulletproof vest si Kerwin nang dumating ang convoy niya sa tanggapan ng NBI sa Maynila dakong 11:30 ng gabi nitong Miyerkules, mula sa Camp Crame sa Quezon City.

Naging mahigpit ang seguridad na ipinatupad sa labas at loob ng NBI compound, at sa pagbaba ni Kerwin sa kanyang coaster ay kaagad siyang pinaligiran ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) bago nai-turnover sa NBI.

Ang AIDG ang nangalaga sa seguridad ni Kerwin simula nang umuwi siya sa bansa noong Nobyembre 18 makaraang maaresto sa Abu Dhabi, UAE.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at pag-iingat ng droga si Kerwin, na anak ng napatay na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr.

Ang Branch 14 ng Regional Trial Court sa Baybay City, Leyte ang nag-utos na ilipat sa NBI ang kustodiya kay Kerwin, na una nang nagsiwalat ng pangalan ng mga personalidad na sangkot, aniya, sa bentahan ng ilegal na droga.

(Beth Camia)