NAPAG-ALAM ng grupo mula sa University of the Philippines Marine Science Institute (UPMSI) na ang river system ng Dagupan ay masigla at punung-puno ng mga aktibidad nang magsagawa sila ng Reconnaissance Survey of the River System nitong Disyembre 7 at 8.

Inihayag ito sa mga mamamahayag nitong Miyerkules ni Mayor Belen Fernandez na nagsabing makatutulong ang isinagawang pag-aaral ng grupo ng UPMSI professor na si Dr. Caroline Jaraula para maisulong ang pagsisikap na mapanumbalik ang river system at gawin itong mas sustainable upang maiangat ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.

Sinabi ni Dr. Jaraula kay Mayor na pagkatapos libutin at obserbahan ang river system: “You have a healthy river, which is healthy for the economy, healthy for livelihood and healthy for the whole system. Dagupan revolves around these rivers. They are beautiful. They have a lot of mangroves with a lot of promising results and activities.”

Napalilibutan ang Dagupan ng pitong ilog na Calmay, Pantal, Dawel, Tanap, Mangueragday, Patogcawen, at Bayaoas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinuri ni Dr. Jaraula ang lungsod sa kanilang isinasagawang dredging operation sa Calmay river at iminungkahi na magsimula ang dredging sa bukanang bahagi nito sa Barangay Pugaro dahil sa mataas na konsentrasyon ng burak mula sa salungat na agos ng ilog sa lugar.

Ibinahagi ng grupo na tama ang ginagawa ng lungsod upang mapanatiling malinis ang ilog mula sa mga bawal na istruktura at mga basura at pinuri ang program ng lokal na pamahalaan na tinatawag na “Sa Ilog Ko, May Pagbabago.”

Pinuri rin ni Dr. Jaraula ang political will ni Mayor Fernandez sa pagtatanggal ng mga hindi kanais-nais na istruktura sa ilog, tinukoy ang agresibong kampanya ng lungsod laban sa illegal fish pens at sa pagsisikap na makuha muli ang mga lumubog na fishnets at bamboo stumps sa ilalim ng ilog.

Bilang panimula, inirerekomenda ng grupo na maidebelop ang bawat river system ayon sa kanilang mga potensiyal sa turismo, pangingisda, daluyang ng tubig, navigation, bird watching, at iba pa.

Ang operasyon ng mga fish pen ay binigyang-diin ni Jaraula na nakasalalay sa kagustuhan lungsod, kung papayagan ba nila o hindi at dapat matukoy kung angkop ang lugar para sa ganitong uri ng istruktura, para mapanatili ang kalusugan ng ilog.

“It’s overwhelming to note the healthy conditions of the rivers because there are so many things that could be developed and to be studied in them. We just need to enhance all these,” ani Jaraula.

Magsasagawa ng karagdagan pang pag-aaral ang grupo sa tulong ng mga nalikom na datos at isusumite ang resulta sa lungsod. (PNA)