Iilan lamang ang nakapansin na nang umalis si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa Arzobispado de Manila sa Intramuros nitong Lunes, nang makipagkita siya kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ay may nakasuot nang rosaryo sa kanyang leeg katabi ng kanyang sash.

Pinuna at naging paksa ng Kanyang Kabunyian ang tungkol sa makabuluhang pagbabagong ito isang araw matapos ang courtesy call sa kanya ng pinakamagandang babae sa balat ng lupa.

“She came out of the meeting not only wearing a Miss U sash, but a rosary. Before, after... What a change,” sabi ni Cardinal Tagle sa kanyang Misa para sa anibersaryo ng TV Maria.

Sa pananaw ng cardinal, “powerful moment” ang natuklasan niya na kinikilala ng Queen of the Universe si Maria, ang ina ni Hesus.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“A Miss Universe asked me... do you have a rosary? For me it’s powerful. You come wearing just a sash, you leave with a rosary,” sabi ni Tagle.

Sinabi niya na inspiring stories na tulad nito ang hinahangad niyang marinig at makita sa media na kadalasang nakatuon lamang sa sa pag-uulat ng sensasyonal at kontrobersiyal na mga balita.

“If it’s not bombastic, it won’t be in the news. It has to be controversial. What about the good news? Good news is not worth reporting?” tanong ni Tagle.

Nag-courtesy visit si Wurtzbach kay Cardinal Tagle sa kanyang official residence.

Kalaunan ay nagkaroon sila ng closed door meeting na tumagal ng halos isang oras. Sa kanilang pag-uusap ibinigay ni Cardinal Tagle kay Pia ang rosaryo na ibinigay naman sa kanya ni Pope Francis.

Sa pagdalaw ng reigning Miss Universe, simboliko niyang ipinagkaloob ang kanyang mga donasyon sa Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese of Manila. (Leslie Ann G. Aquino)